1,658 total views
Ito ang panawagan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa lahat ng mga naghahangad maglingkod sa bayan kaugnay na rin sa nagpapatuloy na filing of candidacy para sa 2025 Midterm National and Local Elections.
Palala ng obispo sa mga maghahain ng kandidatura ang mabuting pagninilay sa tunay na hangarin dahil ang paglilingkod sa pamahalaan ay isang natatanging misyon na dapat gampanan para sa kapakinabangan ng nakararaming nasasakupan.
“Ako po ay umaapela sa mga mamamayang mag-file ng candidacy para maglingkod sa bayan sana po alam natin na ang paglilingkod ay isang napakahalagang kaloob ng Diyos, hindi paglilingkod sa sarili kundi paglilingkod sa kapwa, tandaan natin serbisyo sa bayan at serbisyo sa Diyos,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng obispo na higit kinalulugdan ng Diyos ang matapat na paglilingkod sa bayan na may paglingap sa pangangailangan ng nasasakupan.
Nagsimula ang paghahain ng kandidatura noong October 1 na magtatapos sa October 8 para
sa mga naghahangad kumandidatong konsehal ng bayan hanggang sa senado.
Maghahalal ang mga Pilipino sa May 12, 2025 ng 12 bagong senador, 63 kongresista at mahigit 18-libo local officials mula konsehal hanggang gobernador.
Una nang nanawagan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa mamamayan na maging mapagmatyag sa mga indibidwal na naghain ng kanilang kandidatura upang maiwasan ang political dynasties at iba pang kakandidatong hindi karapat-dapat ihalal ng taumbayan.