2,278 total views
Hinimok ng Archdiocese of Manila ang mga parokya na paitingin ang katesismo sa kahalagahan ng pisikal na pagdalo sa pagdiriwang ng Eukaristiya.
Ito ang apela ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula kasabay ng panawagan sa mga mananampalataya na bumalik sa mga simbahan at makiisa sa banal na pagdiriwang lalo tuwing Linggo.
“The constant catechesis on the necessity of our faithful to return to our churches for the Sunday Eucharist should be explained in our homilies and in our catechesis,” ayon kay Cardinal Advincula.
Hinikayat din ng arsobispo na limitahan ang livestreaming ng mga misa lalo tuwing Linggo upang mahimok ang mananampalataya na tumungo sa mga simbahan.
Paalala ni Cardinal Advincula sa mga lingkod ng simbahan na ang panalangin ng’Act of Spiritual Communion’ ay para lamang sa mga nakibahagi ng online mass at hindi para sa komunidad na nasa loob ng simbahan.
Kabilang din sa alintuntunin ang pananatili ng safety protocol sa loob ng mga simbahan upang matiyak ang kaligtasang pangkalusugan ng mananampalataya lalo na sa mga eucharistic ministers na magbabahagi ng Banal na Komunyon.
Matatandaang Oktubre 2022 nang maglabas ng kautusan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kung saan hinimok ang mananampalataya na dumalo ng pisikal sa misa sa mga parokya kasabay ng pagluwag ng pamahalaan sa mga alituntunin kaugnay sa pandemya.
Matatandaang halos tatlong taong isinara sa publiko ang mga simbahan upang maiwasan ang malakihang pagtitipon bilang hakbang laban sa pagkalat ng virus.
Pinahihintulutan na rin ni Cardinal Advincula ang paglalagay ng banal na tubig sa mga pintuan ng simbahan na maaaring magamit ng mananampalataya.
“The holy water font, which have been emptied during the pandemic, can now be used after the Easter Vigil,” giit ni Cardinal Advincula.