377 total views
Mga Kapanalig, ngayong Pasko, uso na naman ang bigayan ng aginaldo, at tiyak na magtatatalón sa saya ang sinumang makatatanggap ng sanlibong piso. Maaaring bihira ito ngayon dahil sa hirap ng buhay, kaya suwerte talaga kung ganito kalaki ang aginaldo mula kina ninong at ninang.
Ngunit sumagi na ba sa isip ninyo kung sinu-sino ang mga mukhang nakaimprenta sa ating sanlibong piso? Sila sina Jose Abad Santos, Josefa Llanes-Escoda, at Vicente Lim.
Si Jose Abad Santos ay nagsilbing chief justice ng ating Korte Suprema. Ipinag-utos na patayin siya ng mga Hapón matapos niyang tumangging sumumpa ng katapatan at makipagtulungan sa mga mananakop.
Si Vicente Lim naman ay isang brigadier general na tumanggi ring sumuporta sa pagkontrol ng Japan sa ating bansa noon. Nagalit sa kanya ang mga mananakop matapos niyang sabihing mas gugustuhin niyang mamatay kaysa sa traydorin ang bayan. Sinuportahan niya ang mga grupong lumalaban sa mga Hapón, lalo na sa tinaguriang Battle of Bataan. Ngunit nadakip siya at iniutos na bitayin kasama ng limampu pang resistance fighters.
Ang nag-iisang babae sa salaping ito ay si Josefa-Llanes Escoda. Siya ang nagtatag ng Girl Scouts of the Philippines. Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon, tumulong sila ng kanyang asawa sa mga Pilipino at Amerikanong sundalong ikinulong sa mga concentration camps. Ngunit sila ay inaresto at ikinulong sa Fort Santiago kung saan sila naiulat na pinatay.
Tatlo lamang sila sa mga bayaning Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II. Tatlo lamang sila sa mga Pilipinong tumindig laban sa mga mananakop at nagbuwis ng kanilang buhay para sa bayan. Ang ilagay ang kanilang mga mukha sa ating salapi ay maliit ngunit malalim na pag-alala sa kanilang kabayanihan at pagtanaw ng utang na loob sa kanilang kabayanihan.
Ngunit nabalitaan ninyo marahil ang announcement ng Bangko Sentral ng Pilipinas (o BSP) na baguhin ang disenyo ng sanlibong piso. Papalitan ang mga mukha nina Jose Abad Santos, Vicente Lim, at Josefa Llanes-Escoda ng larawan ng agila. Para sa ilang mambabatas, ang hakbang na ito ng BSP ay maituturing daw na pagbura sa alaala ng mga Plipino sa pagmamahal sa bayan ng ating mga bayani. At hindi malayong gawin din ito sa iba pang pera natin katulad ng limandaang piso, lalo pa’t laganap na laganap ngayon ang disinformation o pagbabaluktot sa mga totoong nangyari sa ating kasaysayan para lamang gumanda at bumango ang pangalan ng mga tao at pamilyang nagnakaw sa kaban ng bayan, umabuso sa mga karapatang pantao, at sakim sa kapangyarihan. Tikom naman ang bibig ng BSP tungkol sa desisyong palitan ang mga mukha sa ating sanlibong piso. Sinabi lamang nila na bahagi ito ng pagpapalit ng materyales na ginagamit sa paggawa ng perang papel.
Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, sinabi ni Pope Francis na nababahala siya sa mga nagsasabi sa mga tao, lalo na sa kabataan, na kalimutan na ang kanilang kasaysayan, na iwan na ang mga naging karanasan ng kanilang mga ninuno, at talikuran na ang nakaraan at tingnan na lamang ang kanilang hinaharap. Para sa Santo Papa, gawain ito ng mga taong nais pasunurin ang mga tao sa kung ano ang kanilang sasabihin at paniwalaing sila lamang ang tama at totoo. Dapat tayong maging mapagbantay sa mga nais baguhin at burahin ang ating kasaysayan kahit sa simpleng perang papel.
Mga Kapanalig, ang alaala ng ating mga bayani ay, katulad ng mababasa sa Mga Kawikaan 10:7, “alaala ng matuwid” na dapat manatili kailanman. Maaaring maliit na bagay lang para sa iba ang palitan ang disenyo ng ating salapi, ngunit huwag nating isawalambahala ang mga layuning nais baguhin ang kasaysayan at limutin ang mga tunay na bayani.