1,039 total views
Inihayag ng Komisyon sa Wikang Filipino (K-W-F) ang pagpapaigting sa mga programa na magpapanatili sa wika kabilang na ang mga katutubong wika sa bansa.
Ayon kay Dr. Arthur Casanova, Tagapangulo at Kinatawan ng KWF, ang mga patimpalak na inilunsad ng komisyon ay paraan upang mas malinang ang kahusayan ng mga Pilipino sa paggamit ng wika at makatuklas ng mga talento lalo na sa kabataan.
“Unang una tumutuklas tayo ng mga bagong makata at mga mandudula, maging sa pagsulat ng mga sanaysay at panitikan upang mapangalagaan, mapagyaman ang wikang Filipino,” pahayag ni Casanova sa Radio Veritas.
Ito ng pahayag ni Casanova sa ginanap na ‘Araw ng Parangal 2022’ kung saan kinilala ang ilang indibidwal na nagwagi sa patimpalak na Tumula Tayo 2022: Pagsusulat ng Katutubong Tula; Dula Tayo 2022: Pagsusulat ng Dramatikong Monologo; Talaang Ginto Makata ng Taon 2022; at ang Gawad Dangal ng Panitikan 2022.
Nakatuon sa mga katutubo sa bansa ang tema ng bawat patimpalak kung saan tinatalakay dito ang kasalukuyang sitwasyon ng mga katutubo kabilang na ang kanilang karapatan at pangarap sa buhay.
Naniniwala si Casanova na malak ang maitutulong ng panitikan, dula, tula at mga sanaysay upang mapangalagaan ang interes ng halos 17-milyong Indigenous People sa Pilipinas na nabibilang sa 110 ethno-linguistic groups.
Sinabi ng opisyal na pagsama-samahin ng kWF ang mga isinulat na tula, dula at panitikan upang ilimbag sa aklat makalipas ang sampung taon.
Inaanyayahan ni Casanova ang mamamayan na lumahok sa mga patimpalak na inilulunsad ng KWF upang higit na malinang ang kasanayan ng mga Pilipino.
“Ini-engganyo ko ang ating mga kababayan na makiisa sa mga patimpalak na isinasakatuparan ng Komisyon sa Wikang Filipino dahil layunin nating payabungin ang mga talento ng ating mga kabataan sa larangan ng panitikan, dula, sanaysay at ito ay malaking hakbang upang patuloy na malinang ang panitikan,” giit ni Casanova.