602 total views
Hinikayat ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga lider ng bansa sa pangunguna ni President Ferdinand Marcos Jr. na maglingkod ng tapat para sa kabutihan ng nakararami.
Ipinaliwanag ng cardinal na ang pagkaluklok sa posisyon ay gamiting pagkakataon para paglingkuran ang bawat Pilipino at itaguyod ang karapatan at dignidad ng mamamayan.
“You have been given the opportunity to seek the good not only of some individuals or particular groups but of the Philippine society as a whole,” saad ni Cardinal Advincula.
Ipinaalala ng Manila Prelate sa mga lider ng bansa na tularan si Hesus na isang Mabuting Pastol sa pamamagitan ng paglilingkod sa nasasakupan ng buong kababaang loob.
Umaasa si Cardinal Advincula na taglayin ng administrasyon ni Marcos Jr. katuwang si Vice President Sara Duterte – Carpio ang mga katangian ng Mabuting Pastol para sa kabutihan ng mamamayan lalo na ang mga dukha.
“May you be leaders who give life to our people, especially the needy and disadvantaged. Guided by truth, urged by charity, and passionate for justice and peace, may you spend yourselves in the service of common good,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Paalala ng arsobispo sa mga halal na lingkod bayan na bilang lider ay mahalagang matutuhan ang pakikinig upang malaman ang tunay na kalagayan ng nasasakupan.
“May we also be leaders with depth and grounding – depth gained by listening to God and grounding gained by listening to the people, by being in touch with the lives of ordinary Filipinos,” ani ng arsobispo.
Kapwa dumalo sa Pangulong Marcos Jr. at Vice President Duterte-Carpio kasama ang mga miyembro ng gabinete sa misa pasasalamat na pinangunahan ni Cardinal Advincula sa National Shrine of St. Michael the Archangels sa Malacañang compound nitong July 1.
Kasama ni Cardinal Advincula si Cotabato Archbishop Emeritus Cardinal Orlando Quevedo at iba pang mga pari ng arkidiyosesis.
Hinimok naman ni Cardinal Advincula ang mga Pilipino na ipanalangin ang mga lider ng bansa at magbuklod tungo sa mas maunlad na Pilipinas.
“Mga kababayan sa diwa ng bayanhan, sama-sama nating mahalin at paglingkuran ang ating bayan. Ipagdasal natin ang ating mga lider; tangkilikin natin ang kanilang mga mahuhusay at mabubuting hangarin at hakbangin. Kailangan nila ang panalangin at pakikipagtulungan natin upang magbunga ang mga pagpupunayagi nila para sa ikabubuti nating lahat,” giit ni Cardinal Advincula.