388 total views
Pinaalalahanan ni Iligan Bishop Jose Rapadas III ang mga kandidato sa nalalapit na 2022 national and local elections na isabuhay ang tagubilin ni Hesus na maglingkod para sa kapakinabangan ng nakararami.
Ito ang pagninilay ng Obispo batay sa Ebanghelyo ni San Marcos kabanata 10 talata 35 hanggang 45 kung saan tinalakay dito na kaakibat ng pagiging pinuno ay ang paglilingkod sa kabutihan ng nakararami.
Sinasaad sa Mabuting Balita ang pagnanais ng tao na mailuklok sa kapangyarihan subalit karamihan ay umaabuso at hindi naglilingkod para sa kanyang kapwa kundi para sa sariling interes.
Umaasa si Bishop Rapadas na pagnilayan ng bawat kandidato ang mensahe ni Hesus at maging batayan sa paglilingkod sa bayan.
“Malapit na ang eleksyon, may mga kakilala akong kumandidato; mainam na pagnilayan nila ang ebanghelyo na nagpapaalala sa atin sa mga turo ni Hesus; sana maglingkod sila hindi sa personal na kapurihan, hindi sa kapangyarihan sa public position kundi para sa paglilingkod at pagtataguyod sa kabutihan ng maraming mamamayan,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Rapadas.
Matatandaang patuloy ang paalala ng Simbahan sa mga lider ng bayan na isulong ang pagkakaisa, katarungan at isaalang-alang ang ikauunlad ng nakararami sa halip na pagtuunan ang sariling interes.
Bukod pa rito ang panawagan ng Simbahan sa 63 milyong botante na maging matalino sa pagpili ng mga pinuno ng lipunan batay sa katangiang maka-Diyos, makatao, makabayan at may pagpapahalaga sa kalikasang handog ng Diyos sa sanlibutan.
Iginiit ni Bishop Rapadas na ang mga lider na nagpapahalaga sa kapakanan ng nasasakupan ay kinalulugdan ng Panginoon.
“Sa pagpapahalaga sa kabutihan ng mamamayan, kalugod-lugod tayo sa paningin ng Panginoon at higit pang pagpapalain ang inyong paglilingkod,” dagdag ng Obispo.
Samantala, nanawagan pa rin ang iba’t ibang grupo kabilang na ang Simbahan sa mga hindi pa nakapagparehistro na magtungo sa pinamalapit na tanggapan ng COMELEC upang aktibong makilahok sa halalan sa susunod na taon at makapaghalal ng mabuting lider na mamahala sa bansa sa susunod na anim na taon.