230 total views
Inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle na dapat palaguin ng bawat isa ang biyayang kaloob na ipinagkatiwala ng Panginoon sa tao.
Ito ang pagninilay ng Kardinal sa paglunsad ng Pista ng Sambayanan na dinaluhan ng mga pari at layko partikular ang mga music ministry ng Simbahan na nangunguna sa pag-awit tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya.
“Siya [Diyos] ang nagbibigay ng biyaya, Siya ang nagtitiwala, sana magbunsod ng tamang pagtugon at hindi sasayangin ang mga biyaya,” bahagi ng pagninilay ni Kardinal Tagle.
Paliwanag ni Kardinal Tagle bawat isa ay may sapat na kakayahang palaguin ang mga talentong ipinagkakatiwala ng Diyos sa tao at gamitin sa wastong pamamaraan.
Ang Pista ng Sambayanan ay mga awiting pang Simbahan na likha ni Jesuit Priest Composer Fr. Manoling Francisco at ng music arranger na si Prof. Jason Borromeo Ros kung saan kaakibat nito ang kulturang Filipino dahil ang tono ng mga awitin ay batay sa mga katutubong awitin ng Pilipinas sa saliw ng mga instrumentong Filipino.
Ayon kay Kardinal Tagle dapat masuri ng tao ang uganayan sa Panginoon upang maging mabuting katiwala sa mga kaloob at pagsumikapang isabuhay at palaguin ang biyayang taglay.
“Kayraming biyayang nasasayang kasi hindi maayos ang pakikitungo sa Panginoon kaya’t hindi namumukadkad ang bawat talento,” ani ng Kardinal.
Sinabi ng Arsobispo na nawa’y magpapatuloy ang diwa ng pista sa bawat tahanan ng mga Filipino dahil bukod sa sinisimbolo ng mamamayan ang pista sa pasasalamat sa Diyos, ito rin ay mahalagang pagkakataon para makapagsagawa ng kawanggawa sa kapwa kung saan pinatutuloy at pinakakain maging ang mga taong bihira lang makasalamuha.
“Kapag namatay ang pista, baka namatay din ang diwa ng pasasalamat sa Diyos.”
Ang kopya ng Pista ng Sambayanan ay mabibili sa Manila Cathedral sa halagang 250 piso at maari itong gamitin sa mga parokya upang matutuhan ng mga Filipino ang pag-awit ng mga awiting napaloob sa Pista ng Sambayanan.
Sa paglulunsad ng Pista ng Sambayanan iginiit ng Kardinal na hindi lamang mga awitin ang pinasinayaan kundi ang iisang diwa ng mamamayan na bumubuo sa sambayanang nagpupuri sa Diyos kaya’t hamon sa bawat isa na ipagpatuloy ang pagninilay ang napakahalagang buhay ng mga Filipino, buhay pagsasamba at ang mga awiting pansimbahan ay ang awit ng bayan.