530 total views
Sinuportahan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagpapatupad ng bagong panuntunang matutulungan ang mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFW) sa bansa.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerants People Vice Chairman Balanga Bishop Ruperto Santos, kaginhawaan ang idudulot ng panuntunan na magbibigay ng mas mahabang panahon sa mga OFW na makapiling ang kanilang mga pamilya.
Ito ay dahil nakasaad sa bagong polisiya ang pagsuspinde sa ‘COVID-19 risk classifications’ para sa mga bansang pinanggagalingan ng mga travelers na papasok sa Pilipinas.
Sa pag-iral nito sa February 01, ang mga fully vaccinated travelers kabilang ang mga umuuwing OFW ay kinakailangan na lamang ng negatibong swab test results na kinuha sa loob ng 48-oras ng walang quarantine.
“Ito ay isang malaking tulong at kaginhawaan sa mga bakunadong OFWs. Maigsi lamang ang kanilang bakasyon at dahil wala ng quarantine o sa bahay na lang ay higit nilang makakasama ang kanilang mga mahal sa buhay. At higit pa silang maalagaan,” ayon sa mensaheng Ipinadala ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Itinuring din ng Obispo na isang mabuting inisyatibo ang hakbang upang mahikayat ang mas marami pang OFW na magpabakuna laban sa COVID-19.
“Ito rin ay isang magandang incentive na ang iba pang OFWs ay magpabakuna na upang makaiwas sa mahabang quarantine at hindi kulangin sa kanilang bakasyon,” ayon pa sa Obispo.
Nakasaad din sa bagong panuntunan, para sa mga unvaccinated at partially vaccinated travelers ay kinakailangan parin nilang manatili sa mga quarantine facility sa loob ng limang araw habang hinihintay ang kanilang negative swab test results.
Kinakailangan din nilang sundin ang 14-days mandatory self o home quarantine sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga tutuluyan.
Muli ring ipinabatid ni Bishop Santos ang kahalagahan ng pagpapababakuna laban sa COVID-19.
“Sa bakuna tayo ay ligtas at nakapagligtas pa. Sa bakuna tayo ay natulungan at nakatulong upang hindi nahawahan o hindi makapanghawa. Thanks, be safe,” ani Bishop Santos.