367 total views
Nangangamba si Fr. Dan Cancino, MI sa maaaring maging epekto sa mamamayan ng panibagong panuntunan ng pamahalaan sa paggamit ng face mask sa kabila ng coronavirus disease pandemic.
Ayon kay Fr. Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care, hindi pa napapanahong luwagan ang mga panuntunan laban sa COVID-19 dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso sa bansa.
Maliban dito, sinabi ng pari na hindi pa rin naaabot ng bansa ang 50 porsyento ng COVID-19 booster vaccination.
“This move might give a complacent atmosphere and even putting COVID-19 vaccination not a priority because anyway there is easiness of wearing face mask in public,” pahayag ni Fr. Cancino sa Radio Veritas.
Iginiit ni Fr. Cancino na ang dapat gawin ng pamahalaan ay paigtingin pa ang programa sa pagpapabakuna lalo na sa mga may karamdaman, matatanda, at mga pamayanang hindi maabot ng serbisyo.
Paliwanag ng opisyal ng CBCP na kapag naisakatuparan ito, saka pa lamang dapat isaalang-alang ang pagluwag ng mga panuntunan laban sa virus.
“Increase first the accomplishment of the booster especially across vulnerable population and those at risk. Only when we have reached a good percentage of fully vaccinated plus booster, we review this voluntary face mask use,” giit ni Fr. Cancino.
Sa tala ng Department of Health, nasa halos 162 milyon na ang bilang ng mga nakapagpabakuna ng COVID-19 vaccine sa bansa kabilang na ang 18-milyong populasyon na nakatanggap ng booster dose.
Samantala, sinabi ni Health officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nakikita na ang katapusan ng pandemya, ngunit hindi ito nangangahulugang tuluyan nang mawawala ang COVID-19.
Ayon kay Vergeire, kailangan pang paigtingin ang healthcare system sa bansa upang matiyak ang kahandaan laban sa anumang malalang karamdaman at maitaguyod ang kaligtasan ng mamamayan.
“What we need to do is to strengthen our healthcare system, strengthen the immunity of the population through vaccination, and ready our healthcare facilities so that ‘pag dumating ang punto na ‘yan, lahat tayo ay prepared, wala tayong pangangamba at tayo po ay protektado,” ayon kay Vergeire.
Sa kasalukuyan, aabot na sa halos apat na milyon ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa kung saan nasa higit 62-libo ang naitalang nasawi magmula nang lumaganap ito dalawang taon na ang nakakalipas.