142,022 total views
Mga Kapatid,
Sa mga salita ng Apostol San Pablo, bumabati at nanawagan kaming muli sa inyo habang papalapit na ang Halalan at nagsisimula pa lamang ang lokal na kampanya.
Ang Ating Kasalukuyang Katayuan
Bagama’t hindi tuluyang naalis ang panganib, lumuwag-luwag na ang kalagayang dulot ng Covid. Ngayong bumabangon tayo, bigla namang sumiklab ang digmaan sa Ukraine, na kasalukuyang nagpapalala ng krisis sa ekonomiya at pandaigdigang kapayapaan. Ito’y nakalulungkot at nakababahala.
Maliwanag na hindi sabay ang pag-unlad na materyal at moral. Madalas, naiiwanan ang pag-unlad na moral. ‘Sophisticated‘ na ang ating mga kagamitan at proseso, ‘sophisticated‘ na rin ang kahirapan at awayan. ‘Complex‘ (masalimuot) ang kasalukuyan; walang katiyakan ang kinabukasan. Pabago-bago, malabo at hindi madaling unawain ang mga nangyayari sa atin.
Kailangan natin ng mga lider at mambabatas na taos-puso ang hangarin at maasahan ang kakayahang maglingkod para sa kapakanan ng ating mga bayan: munisipyo, lungsod, probinsya at ng buong bansa.
Ang Halalan 2022
Napakahalaga ng Halalan 2022 kung saan pipiliin natin ang mga taong pagkakatiwalaan natin ng ating buhay at kinabukasan.
Nakaaantig ng damdamin na makita ang ginagawang pagtatanggol ng mga taga- Ukraine sa kanilang bansa at kalayaan. Sila ngayon ay nagiging huwaran ng pagmamahal sa bayan.
Wala man tayo sa digmaan, kailangan nating pangalagaan at ipagtanggol ang ating kalayaan at kapakanan ng lahat (common good). Kailangan nating pagpursigihan ang ikabubuti ng buhay, lalo na ng mga kapatid nating maliliit at mahihina. Ito ang pangunahing tungkulin ng isang lingkod ng bayan.
Ang ‘Separation of Church and State‘
Kami ay muling nananawagan. Walang batas na nagbabawal sa anumang simbahan o relihiyon na magsalita at sumangkot sa pulitika. Sa katunayan, ang prinsipyo ng Separation of Church and State ay para igalang ng gobyerno ang malayang ‘exercise‘ ng relihiyon. Gobyerno ang pinagbabawalan na magtatag ng relihiyon na pang-estado (cf. 1987 Philippine Constitution Art. 2, Sec.6; Art 3, Sec. 5). At anumang simbahan, bilang bahagi ng lipunan, ay may karapatan at tungkuling magsalita, lalo na sa aspetong moral ng pulitika at pamamahala.
Kaya kapag nakataya ang kabutihan, katotohanan, buhay at kapakanan ng lahat, asahan po ninyo na magsasalita at mananawagan kami. Wika nga ni San Pablo, ‘Kaysaklap ng sasapitin namin kung hindi namin ipangaral ang ebanghelyo‘ (cf. 1 Cor 9:16). Dasal namin na lagi kaming pumanig sa katotohanan, kabutihan, katarungan; habang
pinagsusumikapang itaguyod ang pagkakaisa at kapayapaan. Parehong mga tao ang pinaglilingkuran ng gobyerno at Simbahan. Ang Simbahan ay hindi maaring magsawalang-kibo sa katotohanan, kabutihan at katarungan.
Responsibilidad Nating Lahat ang Kapakanan ng Bayan
Ang eleksyon ay hindi lamang para sa mga kandidato at botante. Lahat tayo, ano man ang katayuan sa buhay, ay maaapektuhan ng anumang bunga ng eleksyon. Napakahalaga ng ating boto, kaya nais ligawan, bilhin o agawin ito. Ang boto ay ang ating tinig at pasya. Kapag ito’y ipinagpalit sa salapi, nawawala ang tinig at pagpapasya; parang isinuko na natin ang ating kalayaan at kinabukasan.
At paalala rin sa atin na isang malaking pananagutan sa Diyos ang pagsamantalahan ang karukhaan at kahinaan ng mga tao para makakuha ng mga boto o isulong ang makasariling interes.
Tandaan sana natin: Ang kapakanan ng bayan ay responsibilidad nating lahat. Lahat tayo, botante man o hindi, ay may mahalagang papel na gampanin. Lahat tayo ay may mai-aambag sa kapakanan ng bansa. Maaatim ba nating paglaruan ang ating kalayaan at masáyang ang kinabukasan na wala tayong ginagawa?
Mga Mungkahi
Kaya aming iminumungkahi ang mga sumusunod:
1. Ipagpatuloy natin ang pag-uusap, pagkilatis at pag-aninaw (circles of discernment) ng (a) political and social situation, at (b) ng mga kandidatong pambansa at lokal.
Hanapin natin ang mga kandidatong inuuna ang tao at buhay; pinoprotektahan ang pamilya at mga pamayanan, pinahahalagahan ang pakikibahagi ng lahat (participation); ipinagtatanggol ang karapatan at tinutupad ang tungkulin; may pagkiling sa mga mahihirap at mahihina; pinangangalagaan ang dangal ng mga manggagawa; isinusulong ang pagkakabuklod-buklod (solidarity); at may malasakit sa kapaligiran at lahat ng nilalang.
Hanapin natin ang mga kandidatong uunahin ang kapakanan ng bayan kaysa personal na interes. Maari nating gamitin ang ‘LASER test‘ sa mga kandidato, ang ibig sabihin: L.ifestyle, A.ction, S.upporters, E.lection conduct at R.eputation of a candidate.
2. Ipagpatuloy natin ang Voters Education tungo sa Voters’ Empowerment para sa malayang pagpili at pagpapasya; tungo sa higit pang political and social engagement ng bawat mamamayan. Alalahanin natin: hindi natatapos sa eleksyon ang ating pakikilahok at malasakit sa kapwa.
3. Itaguyod at huwag isakripisyo ang mga prinsipyong moral sa larangan ng pulitika at pagtataguyod ng bansa (nation building). Sundin ang konsyensya, subalit sikaping wasto ang paggamit nito (correct conscience).
Marami man ang balakid sa pagtataguyod sa kapakanan ng bayan, huwag tayong magpadaig sa anumang pananakot o pagbabanta. Huwag natin payagang maparalisa tayo ng kasamaan o ng sarili nating mga kabiguan. Ang pagtataguyod ng kabutihan ay pakikipagtunggali sa kasamaan. Huwag tayong sumuko sa paghahanap ng katotohanan at sa pagmamalasakit sa kapakanan ng lahat.
4. Magmatyag at magbantay tayo sa mga paggalaw na hindi kanais-nais. Magingat tayo at punahin natin ang mga gumagamit ng dahas, salapi, kapangyarihan, o mga paraan ng pandaraya; ang mga naghahasik ng kasinungalingan at pagkamuhi; ang nagmamanipula ng mga tao para sa pansariling interes, at ang mga nananamantala sa mga maliliit at mahihina.
Mag-‘demand‘ tayo ng ‘accountability’ at ‘transparency’ sa mga kandidato, sa mga namumuno, at sa ating mga sarili. Nais natin ng patas na eleksyon.
5. Patuloy tayong manalangin sa Diyos, gumawa ng kabutihan sa kapwa, mag-alay ng mga sakripisyo at hilingin ang biyaya ng isang mapagkakatiwalaan, mapayapa at matagumpay na Halalan para sa ikabubuti nating lahat.
Panawagang Magmalasakit
Mga kapatid, makilahok at magpahayag tayo sa paraang makatarungan at mapayapa. Labanan natin ang pagsasawalang-bahala (indifference). Magmalasakit tayo, lalo na sa kapakanan ng kapwa at bayan. Baka mayroon sa atin na matagal nang mga miron lamang – nanonood lang at hindi gagalaw hangga’t hindi naaapektuhan. Naghihintay lamang kung ano ang kahihinatnan ng halalan. Nasaan doon ang malasakit sa kapwa?
Mag-ambag tayo sa pamamagitan ng pagtupad ng ating mga tungkulin. Hindi natin maitataguyod ang kinabukasan na wala tayo. Huwag nating iasa ito sa iba. Kailangang kasangkot at kabahagi tayo.
Baguhin natin kahit unti-unti ang ating kulturang pampulitika. Kung mananatiling mababa ang pagtingin at pagkilos natin sa pulitika, hindi pag-unlad ang ibubunga nito. Huwag sana nating isugal ang ating kinabukasan.
Muli kaming nanawagan sa mga kandidato, sa kanilang mga partido at tagasuporta; sa mga Civic clubs, sa iba’t ibang sektor ng lipunan – lalo na ang mga Kabataan, sa ating Pamahalaan, mga Ahensya at Sangay ng Gobyerno (pambansa at lokal), Non- Government Organizations, sa Military at Educational institutions, sa mga Parish at Barangay Pastoral Councils, BEC’s, Church Organizations at Associations, Religious Congregations at Movements, sa COMELEC, Board of Election Inspectors, SMARTMATIC, sa PPCRV, NAMFREL at sa ibang pang Election Watchdogs at volunteers, sa Media (local at international), Brothers and Sisters of other Faiths – magtulungan tayo sa pagmamatyag at pagsusumikap na tiyaking malinis, mapagkakatiwalaan, makatotohanan, makahulugan, mapayapa, ligtas at patas ang halalan (Clean, Honest, Accurate, Meaningful and Peaceful [CHAMP]; Safe, Accurate, Fair Elections [SAFE]).
Pagbabago ng Puso
Mga kapatid, ang pagbabago ng ating pulitika ay nangangailangan ng pagbabago ng puso, ugali at mga prayoridad. Ito rin ang panawagan ng Kuwaresma: ang pagbabago ng puso at pagbabalik-loob sa Diyos. Nawa ang ating pagsunod kay Jesus, ang Salitang Nagkatawang-Tao (Word made Flesh), ang siyang magsilbing gabay at liwanag sa ating pagpapasya at pagkilos.
Magkakaiba man ang ating pagtingin, alalahanin natin ang kasabihang Latin: ‘In necessariis unitas, in dubiis libertas, in omnibus caritas.’ (‘Sa mga bagay na nararapat, magkaisa tayo; sa mga bagay na hindi tayo nakatitiyak, igalang natin ang kalayaan ng bawat isa; sa lahat ng bagay, pag-ibig nawa ang manaig.’)
Sa lahat ng ating pagsusumikap, kailangan natin ang tulong ng Poong Maykapal. Magdasal tayo, magsakripisyo at humingi ng tawad para sa ating mga pagkukulang at pagkakasala (cf. 2 Cronica 7:14). Ang Ama ay laging naghihintay sa atin, upang muli tayong tanggapin at panibaguhin, tulad ng Kanyang paghihintay sa Alibughang Anak (cf. Lukas 15:11-32).
Pagpalain nawa tayo ng Poong Maykapal, ang Diyos ng awa at pag-ibig. Tulungan at kupkupin nawa tayo ng ating Mahal na Ina, ang Birhen ng Kapayapaan. Ipinaubaya natin ang ating mga sarili at ang Ukraine at Russia sa kanyang kalinis-linisang puso nitong nakaraang Kapistahan ng pamamalita ng Anghel kay Maria tungkol sa pagkakatawang tao ng Anak ng Diyos, sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, upang tayong mga abang makasalananan ay mapanumbalik Niya sa Ama.
Para sa Kapulungan ng mga Obispo ng Pilipinas,
+ PABLO VIRGILIO S. DAVID, D.D.
Obispo ng Kalookan
Pangulo ng CBCP
Marso 27, 2022