157 total views
Ipinagtataka ni Kabayan Partylist Representative Harry Roque ang pagmamadali ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maipasa ang death penalty bill.
Ayon kay Roque, wala namang dapat na madaliin dahil kahit mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi naman atat na magkaroon ng death penalty law sa Pilipinas.
“Nagtataka ang marami kasi ang presidente natin, hindi naman talaga siya atat na atat magkaroon ng death penalty. Ang sabi nga ng presidente, ‘kung ayaw nyo, huwag, bahala kayo.’ Pero yung ating liderato talaga, they permit na sa mabilis na panahon na ito ay papasa sa mababang kapulungan,” pahayag ni Roque sa Radyo Veritas.
Dahil dito, iminungkahi ni Roque na huwag madaliin ang pagpasa sa panukalang batas at bagkus ay pag-aralan ito ng mabuti sa pamamagitan ng pagpapalawig ng pakikinig sa mga debate.
Dagdag pa nito, kung mamadaliin ang Death Penalty ay mawawalan lamang ito ng saysay kung hindi naman aayunan ng Senado.
Samantala, patuloy naman ang paghahayag ng Simbahan sa mariin nitong pagtutol sa kultura ng kamatayan.
Kaugnay dito, magsasagawa ngayong Sabado ng Walk For Life bilang pagpapakita ng pagmamahal sa buhay.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 10 libo ang nagparehistro na sasama sa walk for life sa sabado ika-18 ng Pebrero alas kwatro y medya hanggang alas otso ng umaga.