559 total views
Mahirap mabilang ang eksaktong bilang ng mga batang lansangan sa ating ating bansa, ngunit tinatayang umaabot sila sa 250,000 hanggang isang milyon. Ang mga kabaatang ito ay lumayas sa tahanan o inabandona kaya’t sila ay napipilitang manghingi at magnakaw ng kanilang makakain sa araw-araw. Marami rin sa kanila ang nagtatrabaho- nagbebenta ng kendi, sigarilyo, dyaryo at kung ano-ano pa sa mga kalye. Ang nakakalungkot, kapanalig, marami rin sa kanila, binebenta na rin pati ang kanilang katawan.
Ang isyu ng batang lansangan ay isa sa mga mahahalagang problema ng bayan na ating hindi nabibigyan ng sapat na atensyon. Sa totoo lang, ang isyu ng kahirapan ng mga bata ay parang hindi na natin mawaksi sa lipunan. Kapanalig, taon-taon na lamang, ang sector ng kabataan ay isa sa mga pinaka-bulnerable sa ating bansa. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 31.4% ng mga bata ay kabilang sa mga mahihirap na pamilya.
Sa lansangan, kapanalig, ang mga bata ay exposed hindi lamang sa init at lamig ng panahon, kundi sa mga buktot ng pwersa na kumikitil ng kanilang karapatan at sumisiil ng kanilang dangal. Mas malagim na pandemya ang karahasang nararanasan ng mga bata. Sila ngayon ang ang nagiging pangunahing biktima ng exploitation. Dahil hawak sila sa leeg ng kahirapan, wala silang magawa.
Kapanalig, kailangan kumilos ng ating lipunan. Ang mga kabataan ay ating dapat pino-protektahan at ginagabayan. Ang mga bata ay dapat nasa loob ng mapagmahal na tahanan, at hindi sa lansangan. May mga pag-aaral na nagsasabi na maraming mga batang lansangan ay bulnerable sa mga sexually transmitted diseases, drug addiction, at ngayon, pati COVID-19. Kung walang mag-aaruga sa kanila, asan ang hustisya?
Sabi sa Centissimus Annus- Love for others, especially the poor, is made concrete by promoting justice. Ayon din sa Deus Caritas Est, walang puwang ang kahirapang yumuyurak sa dignidad ng tao sa mga nanalig at tunay na nagmamahal sa Diyos.
Ang ating pakikitungo sa mga bulnerableng sector gaya ng mga batang lansangan ay sumasalamin ng ating moralidad. Ang ating pagbubulag-bulagan sa kanilang sitwasyon ay repleksyon ng ating kawalan ng pagmamahal sa pinakamaliit nating mga kapwa-nilikha lamang ng Diyos. Hindi nating masasabing tunay nating mahal si Kristo kung hindi natin minamahal ang mga batang lansangan.
Sumainyo ang Katotohanan.