144,216 total views
“Ibigin mo ang Panginoon Mong Diyos… Ibigin mo ang iyong kapwa.” (Mateo 22:27-28)
Mahal kong mga kapatid kay Kristo sa Bikaryato ng Taytay,
Pag-ibig ang pinaka mensahe ng Diyos – pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Hindi po mapaghihiwalay ang dalawang ito. Hindi natin maaaring mahalin ang Diyos na hindi natin nakikita kung hindi natin minamahal ang kapwa na ating nakikita. Minamahal natin ang ating kapwa bilang tugon sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Kasama po ng pagmamahal natin sa ating kapwa ay ang pagmamahal natin sa bayan.
Sa ating panahon ngayon nakikita natin ang pagmamahal sa bayan sa Ukraine. Ang mga mamamayan doon ay nag-vo-volunteer na lumaban, na itaya ang kanilang sarili upang ipagtanggol ang bansa nila sa pagsasalakay ng mga Russians. Magpasalamat tayo sa Diyos na hindi pa humahantong ang problema ng ating bansa na tayo ay sinasalakay. Ngunit may pagkakataon tayo na isulong ang ating pagmamahal sa bayan ngayong panahon ng halalan.
Sa March 25 magsisimula na ang pangangampanya ng mga lokal na kandidato sa halalan sa May 9. Apatnapu’t limang araw na lang at boboto na tayo. Pag-isipan at ipagdasal po natin ang ating boto. Sana po ito ay maging pahayag ng ating pag-ibig sa bayan at pag-ibig sa Diyos. Hayaan po ninyong magbigay ako ng ilang mga paalaala tungkol dito.
1. Ang pagboto nang maayos ay isang mahigpit na tungkulin ng bawat isa sa atin na makaboboto. Ito po ay isang karangalan na maaari tayong makiisa sa pagpili ng mamumuno sa ating lunsod, sa ating lalawigan, at sa ating bansa. Ang karangalan ng pagboto ay isa ring tungkulin. Pag-isipan natin ng mabuti kung sino ang karapat-dapat, kung sino ang pagkakatiwalaan natin ng ating boto. Higit akong nananawagan sa mga kabataan na lumabas at bumoto. Ang inyong boto ay huhubog sa inyong kinabukasan.
2. Ngayon pa lang inaalam na natin ang kalagayan ng ating bansa at kung anong klaseng leaders ang kailangan nito. Kinikilala na rin natin ang pagkatao ng mga iboboto natin. Huwag tayong maniwala sa sabi-sabi ng iba, sa nababasa lang natin sa facebook, at sa mga pangako ng mga kandidato. Tingnan ang kanilang pagkatao at ang kanilang mga nagawa na. Huwag nating itaya ang ating lunsod, ang ating lalawigan at ang ating bansa sa kamay ng hindi karapat-dapat.
3. Iwaksi na natin ang mga political dynasties. Ang pamumuno ay wala sa dugo, o sa isang lahi o sa ilang pamilya lamang. Hindi magkakaroon ng maayos na pamumuno kapag magkadugo ang sabay-sabay o sunod-sunod na namumuno. Hindi nila masusuri ang ginawa ng kanilang kamag-anak. Magtatakipan lang sila at ang uunahin nila ay hindi ang taong bayan kundi ang kanilang pamilya.
4. Ang mga politiko na gumagamit ng pera sa pangangampanya ay bulok o magiging bulok. Saan sila kumuha ng pera na pinamimigay? Maaaring sila ay nagnakaw na o magnanakaw pa upang bawiin ang perang pinamigay. Huwag na huwag iboto ang namimigay ng pera. Tanda na ito ng kanilang kabulukan. Huwag nating ipagbili ang ating bayan.
5. Magbantay tayo na igalang ang ating boto na pinag-isipan at ipinagdasal. Dapat bilangin ang bawat boto. Kaya kailangan natin ng mga volunteers sa PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting) upang tulungan ang mga taong bumoto at bantayan ang boto nila.
6. May karapatan din ang Kristiyanong mamamayan na mangampanya para sa mga taong matuwid upang sa bayan natin ay may mga taong matuwid na manunungkulan. Huwag po nating ikampanya ang mga taong nasa political dynasty na o mga may masasama o kaduda-dudang record na. Huwag nating sabihin na hanap buhay lang ito, kasi tayo ay nababayaran. Huwag tayong maging bahagi sa pagluluklok ng bulok na tao. Huwag mag-contribute sa kabulukan ng ating lipunan.
7. Huwag po tayong magpadala sa mga surveys. Ang tunay na survey ay ang boto ng tao na maayos na binilang. Hindi nasasayang ang boto natin sa mabubuting tao. Kung binoto natin ang isang masamang tao dahil mataas ang kanyang survey rating, sinayang lang natin ang ating boto at nakadagdag pa ito sa kasamaan ng ating gobyerno.
8. Kumakalat ang maraming fake news at kasinungalingan ngayon sa social media. Maging maingat tayo sa ating pinaniniwalaan. Ang ating desisyon ay hindi sana nakabase sa kasinungalingan. Kaya ngayon pa lang sinusuri na natin ang mga kandidato at kung sino ang nasa paligid nila.
Nasa ating kamay ngayon ang kinabukasan ng ating bayan. Magtulungan tayo na hikayatin ang bawat isa na maglagay ng mga taong maglilingkod nang tapat, hindi mga taong may pangalan lang o may pera o may pamilyang kilala. Isipin natin ang ikabubuti ng bansa. Mahalin natin ang ating bayang Pilipinas. Pahalagahan natin ang ating boto. Isa lang ito at ito ay mahalaga! Ang ating boto ay salamin ng ating pamamahal sa bayan at sa Diyos.
Ang sumasainyo kay Kristo,
Bishop Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato ng Taytay
March 21, 2022