546 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang unang State of the Nation Address (o SONA), sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na prayoridad ng administrasyon niya ang pagbabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (o ROTC) program sa senior high school o Grades 11 at 12. Sa ngayon ay optional ito sa ilalim ng National Service Training Program (o NSTP).
Hindi nakagugulat ang pahayag na ito dahil isinusulong din ito ni Vice President at ngayon ay Education Secretary Sara Duterte. Nakababahalang sa dami ng mga isyung kinakaharap ng mga estudyante, ang pagbabalik ng ROTC ang nakitang dapat unahin. Ayon sa pangulo, ang layunin ng mandatory ng ROTC sa mga pampubliko at pribadong senior high schools ay upang bigyang-motibasyon, hasain, organisahin, at mobilisahin ang mga mag-aaral para sa national defense, kabilang ang paghahanda sa panahon ng sakuna at pagbibigay-kapasidad upang tumugon sa iba pang risk-related situations. Sinabi ng DepEd na alinsunod ang ROTC sa kagustuhan ng pangulong palakasin ang pagiging makabansa o nationalistic ng mga kabataan. Ito rin ang tingin ni National Youth Commission (o NYC) Chairman Ronald Cardema. Kailangan daw ang mandatory ROTC dahil makabubuti raw ang pagsasanay sa disaster preparedness kung ang oryentasyon ng mga kabataan ay katulad ng isang military unit.
Kung babalikan, tinanggal ang mandatory ROTC noong 2001 matapos ang pagkamatay ng ROTC cadet na si Mark Welson Chua ng University of Santo Tomas. Ito ay matapos niyang isiwalat ang korapsyon sa loob ng institusyon, at iniuugnay nga rito ang pagpatay sa kanya. Dahil dito, isinabatas ang NSTP sa pagkilalang maaaring makapaglingkod sa bayan at mapaigting ang pagiging makabayan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagsisilbi sa komunidad (sa ilalim ng Civic Welfare Training Service) at ng pagtuturo sa mga malalayong lugar o sa mga walang access sa edukasyon (sa ilalim naman ng Literacy Training Service). Samakatuwid, hindi lamang ang kahandaan at kakayahang humawak ng armas ang paraan upang ipakita ang pagmamahal sa bayan.
Ito ang idinidiin ng mga tumututol sa pagbabalik ng mandatory ROTC. Sinabi ni Senadora Risa Hontiveros, ang ROTC ay isang programang napatunayang hindi optimal na nakapagtuturo ng pagmamahal sa bayan. Dagdag pa ni Carlos Zarate ng grupong Bayan Muna, ang boluntarismo sa panahon ng sakuna ay makapagtuturo din ng pagiging makabayan.
Para naman sa Child Rights Network (o CRN), ang pinakamalaking alyansa ng mga NGOs na nagsusulong karapatang pambata sa Pilipinas, hindi dapat isailalim sa mandatory military training ang mga senior high school students na edad 16 o 17 dahil ilalantad nito ang mga bata sa pang-aabusong naranasan na dati ng mga sumailalim dito. Paglabag din ito sa ating obligasyon sa United Nations Convention on the Rights of the Child (o UNCRC) Optional Protocol on Children in Armed Conflict kung saan inaasahan tayong magtaguyod ng peace-building education sa halip na pagtatanim ng militarismo sa isipan ng mga bata.
Ang ating Santa Iglesia ay naniniwalang ang mga bata ay kailangang alalayan sa kanilang paglaki, at ito ang papel ng edukasyon. Ngunit hindi dapat nakabatay ang edukasyon sa paggamit ng dahas o armas at sa pagtuturo ng bulag na pagsunod. Ito ay dapat kumikilala sa kanilang karapatan at kalayaang gumawa ng matalinong desisyon. Sabi nga sa Amoris Laetitia, isang Catholic social teaching, “Education includes encouraging the responsible use of freedom to face issues with good sense and intelligence.”
Mga Kapanalig, huwag nating kalimutan ang sinabi sa Mga Kawikaan 22:6, “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y ‘di niya ito malilimutan.” Kung tuturuan natin ang mga bata na maging makabansa batay sa kapayapaan at kanilang mga karapatan, ang mga ito ang dadalhin nila sa kanilang pagtanda.