326 total views
Pinaalalahanan ni Father Angel Cortez, Executive Secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines o AMRSP ang mga mananampalataya na unahin ang pagmamahal sa kalikasan ngayong araw ng mga puso.
“Yung diwa at espiritu nung araw na ipagdiwang, yung pag-ibig ay unahin natin yung pagmamahal sa kalikasan,”pahayag ni Father Cortez sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Pari na ang pinakamagandang paraan ng pagdiriwang ng araw ng mga puso ay ang pagsisimba.
Pinayuhan naman ni Father Cortez ang sambayanang Filipino na iwasang bumili ng mga regalong plastic ngayong araw ng mga puso.
“Dapat hindi na tayo bumili ng mga regalo na plastics, ‘yung pagkatapos ng Valentines katakot takot na mga kalat na naman yung makikita natin.” Pahayag ni Fr. Cortez.
Naunang nanawagan ang Ecowaste Coalition ng makakalikasang pagdiriwang ng Valentine’s day.
Hinimok rin ng grupo at ng simbahan ang mamamayan na maghanap ng mga alternatibong regalo tulad ng mga halaman na nasa paso kapalit ng mga bulaklak na nakalagay sa single-used plastics.
Sa tala, ang Pilipinas ang pangatlo sa buong mundo na nakakapaglikha ng plastic waste kada taon.
Sa resulta naman ng huling SWS survey, 71% ng mga Pilipino ang gustong ipagbawal ang paggamit ng single-used plastics.(Cindy Gorospe)