265 total views
Homiliya para sa Biyernes Santo, 7 Abril 2023, Juan 18:1—19:42
Sa araw na ito ng Biyernes Santo, marami kayong mapapansing biglang wala sa simbahan. Sa ating liturhiya, walang pambungad at pangwakas na awit. Walang laman ang tabernakulo. Walang bulaklak sa santuaryo, walang sapin ang altar, walang kandila, at walang Misa kahit saang simbahan sa buong daigdig. Walang kalembang ng kampana, walang ibang imahen na pagmamasdan sa loob ng ating mga simbahan kundi ang krus na may tabing ngunit unti-unti nating aalisan ng takip upang ating mapagmasdan ANG DIYOS NA PINATAY NG TAO. Ito ang simula ng araw na WALANG DIYOS, wika nga ng isang zarsuelistang Kapampangan, na si Juan Cisostomo Soto. Sa udyok ni Satanas, pinatay ng tao ang Diyos upang ipagsigawan sa mundo: AKO ANG DIYOS, wala nang iba pa.
Hindi ba kabalintunaaan na sabihing “pinatay ng tao ang Diyos?“ Paano ba mapapatay ang Diyos na walang kamatayan, Diyos na walang hanggan, Diyos na lumikha sa langit at sa buong sanlibutan? Di ba iyan kabalintunaan? Oo, kabalintunaan dahil siya ang Diyos na nagmahal nang lubos sa taong kanyang nilikha sa sariling hugis niya at wangis.
Ninais kasi niyang lumikha ng isang katulad niya sa pagiging totoo, mabuti, at maganda. Kaya lumalang siya ng taong malaya upang matuto tayong managot at manindigang tulad niya para sa totoo, para sa mabuti at para sa maganda. Minahal niya tayong parang mga anak niya upang matuto tayong magmahal sa isa’t isa bilang magkakapatid. Minahal niya tayo upang katulad niya—tayo ay matutong magpakumbaba, magparaya, magbigay, mag-alay ng buhay para sa minamahal, lumabas sa sarili, makipagkapwa, makibuklod ng puso at diwa, matuklasan ang tunay na dangal ng ating pagkatao.
Ngunit, nalinlang tayo ng ulupong. Napapaniwala niya tayo na ang landas ng pakikitulad sa Diyos ay kapangyarihan. Kung tutuusin, parang totoo—hindi ba’t ang Diyos ay tinatawag nating “makapangyarihan”? Dahil alam nating nakapangyayari ang Kanyang salita, inambisyon natin na maging katulad niya. Nalinlang tayo ng ahas na ang susi ng pakikitulad sa Maykapal—ay ang mag-diyos-diyosan, ang gamitin ang ating talino upang maabot natin ang langit, upang makagawa ng mga toreng bakal at bato para patunayang mahusay nga tayo at magaling. Nahumaling tayo nang labis sa sarili at nakalimot na tayo’y alabok at sa alabok magbabalik.
Binulag tayo ng malabis na paniniwala sa ating sariling kakayahan. Sinunod natin, hindi ang udyok ng pagkatao at pagpapakatao kundi ang udyok ng kahayupan at ang prinsipyong “matira ang matibay”. Kaya natuto tayong maging malupit at marahas sa kapwa-tao at kapwa-nilalang. Pinuputol natin ang kaugnayan natin sa isa’t isa at sa ating daigdig na para bang pag-aari natin ang mundo at may karapatan tayong gawin dito ano man ang gusto natin.
Ang mundong nilikha ng Diyos upang maging paraiso ay unti-unting ginawa nating impyerno mula nang matutunan natin ang magsamantala, maging ganid, maging marahas, maging makasarili. Natutunan natin ang maging mapanira sa halip na maging mapanlikha, natutunan nating ariin ang buhay na para bang tayo ang may likha nito. Natuto tayong magsinungaling, manakit at pumatay ng kapwa. Ang dating pagkataong nilikhang dakila at marangal ng Diyos ay unti-unting pinapangit natin, pinadilim ng pagkainggit, pagkamuhi, pagkatakot at pagkahumaling sa sarili.
Ngunit ang Diyos na tunay na nakapangyayari ay hindi sumusuko. Sa halip na tayo’y parusahan sa ating kahibangan, minabuti niyang gumawa ng hakbang upang maimulat tayo sa katotohanan, upang gisingin ang ating likas na kabutihan, katotohanan at kagandahan. Kaya niyakap niya ang ating karupukan at niloob niyang magkatawang-tao. Niloob niya na maging katulad natin sa lahat maliban sa kasalanan, upang maipaunawa niya sa atin ang tunay na kahulugan ng pakikitulad sa Diyos. Upang mangyari ito, ipinakilala niya nang lubusan sa atin ang kanyang pagkaDiyos sa ating pagkatao—kay Kristo Hesus, ang Anak ng Diyos na naging Anak ng Tao.
Sa araw na ito sa krus lang tayo titingin upang mabuksan ang ating mga puso at isipan, upang tayo’y mahimasmasan sa ating dating kahibangan. Pagmasdan natin ang taong ating sinaksak at ibinitin sa krus. Pagmasdan natin sa krus ang libo-libong hinayaan nating mamatay dahil naniwala tayong walang karapatang mabuhay ang mga adik at lulong sa droga at mga taong pinaratangan komunista at aktibista. Pagmasdan natin sa krus ang mga batang namamatay sa gutom dahil sa karukhaan na dulot ng lipunang hindi patas at makatarungan. Pagmasdan natin sa krus ang mga maralitang palaboy-laboy sa mga siyudad, mga migranteng parang mga ibon na walang masilungan. Pagmasdan natin sa krus ang mga dagat na binalutan ng maitim na langis, mga laman-dagat na naghihingalo, mga sibol na natutuyo, mga punongkahoy na sinisibak, ang kalikasang napapariwara sa ating kapabayaan. Pagmasdan natin sa krus ang mga bansang winawasak ng mga giyera at hidwaan sa pulitika.
Hindi ba’t ito rin ang ipinayo ng Diyos kay Moises para sa kaligtasan ng mga Israelita sa disyerto, nang insultuhin nila ang Diyos, nang hamakin nila at tawaging walang-kuwenta ang pagkaing bigay ng Diyos upang ipantawid-gutom sa kanilang paglalakbay. Nangatuklaw sila ng makamandag ng ulupong, naging makamandag din ang kanilang mga bibig at pananalita, nahibang at sandaling nawala sa sarili.
Kaya inutusan daw ng Panginoon si Moises na ipulupot sa isang patpat ang isang ahas, upang ang sinumang tumingin ay mamulat at mahimasmasan. Ito ang ginagawa natin taon-taon sa araw ng Biyernes Santo, ang ituon ang ating pansin sa krus, at sa Diyos na ating sinaktan, inalimura, hinamak, hinagupit, pinagmalupitan, pinaratangan kahit walang kasalanan, ibinitin sa krus na parang kriminal, pinatay nang walang kalaban-laban. Kailangan nating pagmasdan ang Diyos na sinaksak natin sa ating kapwa-tao, inulós ng sibat, tintratong masahol pa sa hayop.
Ang kasalanan ay hindi dapat pagtakpan, hindi dapat takasan. Hindi uunlad ang ating pagkatao kung di natin matutuhan ang magpakumbaba, ang aminin, tanggapin at pagsisihan ang ating kahibangan, ang ating mga pagmamalabis at mga pagkukulang. Pagmasdan natin siya at tangisan ang ating kabuktutan. Hindi lilinaw ang paningin ng mga matang hindi nahuhugasan ng maraming luha.
Mula nang makatikim tayo ng tamis ng paghihiganti, natuto rin tayong maningil ng mata sa mata, ngipin sa ngipin, dugo sa dugo, buhay sa buhay, kahit pa magkaubusan. Hanggang ngayon marami pa rin ang nalalasing sa kapangyarihan, nagiging hambog, nasasanay sa baluktot at tiwaling gawain, nabubulag sa pagdidiyos-diyosan.
Ang krus na pinagpakuan ng Diyos na pinatay natin upang maisigaw na tayo na ang Diyos ay NARITO NGAYON SA ATING HARAPAN. Kahit sinaksak natin siya, hindi siya maniningil ng dugo, hindi siya mananakot ng parusang impyerno. Wala siyang ibibuhos kundi sariling dugo, bilang pantubos sa taong nakasangla kay Satanas dahil sa kasalanan. Walang kinatatakutan ang anghel ng kamatayan kundi ang dugo ng kordero, dugo ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa tao.
Pagmasdan natin ang Diyos na akala natin ay ating napatay. Akala ni Satanas siya ang nagtagumpay. Hindi kabiguan ang kamatayan ng Diyos na walang hanggan kung magmahal. Namatay siya upang mawakasan ang kamatayan na bunga ng kasalanan. Ito ay kakaibang kamatayan, hindi katapusan ng buhay. Ang kamatayan ng Diyos ng buhay ay kamatayang bumubuhay. Hindi nagwawakas sa dilim ng libingan, kundi sa liwanag ng muling pagkabuhay.
Ito, mga kapatid ang kahulugan ng misteryong atin pinagmamasdan sa araw na ito. Ang pagluluksa ng Biyernes Santo ay may kasunod na Sabado de Gloria. Hindi sa kabiguan natatapos kundi sa Tagumpay ng Linggo ng Muling Pagkabuhay ng Diyos na walang kamatayan.