3,206 total views
Kinondena ng Diocese of Borongan ang operasyon ng pagmimina sa Homonhon Island, Guiuan, Eastern Samar.
Ayon kay Borongan Diocesan Social Action Director Fr. James Abella, nakalulungkot pagmasdan na unti-unting nawawala ang kagandahan ng isla dahil sa pang-aabuso ng mga tao.
Sinabi ni Fr. Abella na ang pagmimina sa isla ay humantong sa pagkaubos ng kagubatan, siltation sa baybaying dagat na nakaapekto na sa hanapbuhay ng mga mangingisda, gayundin sa mga magsasaka.
“Malaki na ang pinsalang dulot ng mapanirang pagmimina sa Isla ng Homonhon. Kami sa Diocese of Borongan ay sobrang nanlulumo at nababahala sa mga pangyayaring ito. Sa ngayon may apat (4) na mga active mining companies ang nag-ooperate sa nasabing isla,” pahayag ni Fr. Abella sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy ng pari ang TechIron Resources, Inc., Emir Mineral Resources Corp., King Resources Mining Corp., at Global Min-met Resources, Inc. na kasalukuyang nagsasagawa ng operasyon sa Homonhon Island.
Dagdag pa ni Fr. Abella na panganib din ang dulot ng pagmimina sa mga apektadong pamayanan dahil sa pagguho ng mga lupa at pagkasira ng mga kalsada lalo na tuwing umuulan, maging pagkakasakit ng mga residente.
“Nakakaapekto na ang dust pollution na nae-experience sa mga kabahayan lalo na sa mga barangay kung saan malapit ang mga minahan. Na siya ring nagdudulot ng sakit sa mga taong mababa ang mga resistensiya,” ayon kay Fr. Abella.
Mayaman ang Homonhon Island sa deposito ng nickel at chromite na mas umaakit sa mga mining company para magsagawa ng operasyon.
Magugunita noong Abril 2020 nang harangin ng mga apektadong residente ang pagpasok ng barko na magdadala ng chromite ore patungong China sa kabila ng quarantine restriction bunsod ng COVID-19 Pandemic.