199 total views
Bigyang pagkakataon na balikan ang sarili sa pamamagitan ng pagninilay.
Ayon kay Cebu Auxiliary Bishop Oscar Jaime Florencio, kasalukuyang Apostolic Administrator ng Military Ordinariate of the Philippines, ito ang paanyaya ng Kawaresma sa bawat mananampalatayang Katoliko.
“We need to have a break we need to have this moment of grace so that we can always ask ourselves,” ayon pa kay Bishop Florencio.
Ayon pa sa Obispo, dapat pagnilayan ng bawat isa ang relasyon niya sa Panginoon, sa kapwa at maging sa lahat ng nilikha nang sa gayun ay magkaroon ng halaga ang pamumuhay na abala sa gawain sa pang-araw araw.
Giit ng obispo, pinakamithiin sa buong panahon ng kuwaresma ay ang pagbabagong loob.
“Lent is an invitation for coming seriously to ourselves and then how is my relation with God with my neighbor and specially the creation. Makikita po natin meron tayong mga kailangan na pagbabago especially na ang panahon na nandito ang problema natin. Pwede nating maresolve sa pagninilay,” ayon kay Bishop Florencio.
Umaasa si Bishop Florencio na ang bawat isa ay isagawa ngayong kuwaresma ang pananalangin, pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan, pagtitimpi at pag-aayuno na siyang maghahatid sa pagpapanibago sa ating gawi at pakikitungo sa kapwa lalut higit ang pagyabong ng pananampalataya.
Sa mensahe ni Pope Francis kaugnay sa paggunita ng Kuwaresma, ang pagbibigay ng panahon para sa pagdarasal ay pagbibigay ng pagkakataon nang pagsusuri sa sarili sa ating mga pagkukulang at ang muling pakikipaglapit sa Diyos at sa kapwa bilang tugon.