257 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mananampalataya na isabuhay ang mga turo ni Hesus na nakalimbag sa Banal na Kasulatan.
Ayon kay Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud, SSS-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Biblical Apostolate-dapat pagnilayan ng bawat isa ang Salita ng Diyos na ipinalaganap ni Hesus sa sanlibutan lalu ngayong ipinagdiriwang ng Pilipinas ang National Bible Month.
“Mga kapatid sa ating pagdiriwang ng National Bible Month, isa itong mahalagang pagkakataon upang hindi lamang pagnilayan ang Salita ng Diyos kundi ating pagsumikapang bigyan ng buhay,” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Bishop Bancud na sa pagsasabuhay ng Salita ng Diyos ay mabigyang linaw ang pagpapahayag at pagpaabot ng biyaya ng kaligtasan ng Panginoon na makikita sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagdamay sa higit na nangangailangan sa pamayanan.
Taong 2017 sa bisa ng Presidential Proclamation 124 idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong buwan ng Enero na National Bible Month bilang pagkilala sa kristiyanong pananampalataya ng mga Filipino.
Disyembre naman taong 2018 nang lagdaan ng punong ehekutibo ang Republic Act 11163-ang huling Lunes sa buwan ng Enero bilang National Bible Day.
Binigyang diin ni Bishop Bancud na kabilang sa pagsasabuhay nito ang paglingap sa kapwa na biktima ng iba’t ibang uri ng sakuna upang maibsan ang paghihirap na naranasan sa pamamagitan ng pagtulong at pagbibigay ng panahon.
“Hari nawa ang ating pagtulong ay magbigay ng sigla at alab ng puso na tumugon at maibahagi ang biyaya ng Panginoon sa kapwang nahaharap sa pagsubok,” saad ng obispo.
Dalangin ni Bishop Bancud na magkaisa ang mamamayan sa paglapit sa Panginoon upang hingin ang lakas at inspirasyon sa Panginoong Diyos na nagkatawang tao.
Ipinapanalangin din ng chairman CBCP-ECBA ang mga biktima ng pagputok ng bulkang Taal na nawa’y maramdaman ang diwa ng pag-ibig ni Kristo sa tulong ng mga Filipinong nakiisa sa kanilang pinagdadaanan.