625 total views
Samantalahin ang paggunita ng Mahal na Araw upang ganap na makapagnilay para sa papalapit na halalan.
Ito ang panawagan ni Bro. Jun Cruz – Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas para sa makabuluhang paggunita ng Semana Santa ngayong taon.
Ayon kay Cruz, mahalaga na pagnilayan ng bawat isa ang ginawang pagpapakasakit ni Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan.
Ipinaliwanag ni Cruz na tulad ng pag-aalay ng Panginoon sa kanyang bugtong na Anak para sa sangkatauhan ay marapat din isaalang-alang ng bawat isa ang kapakanan ng mas nakararami sa pagdidesisyon at pagpili ng mga karapatdapat na ihalal sa nakatakdang halalan.
“Napakahalaga po ng pagninilay lalong lalo na sa mga Mahal na Araw na ito, sana po ay mapagtibay natin sa pagpapakasakit ni Kristo para sa atin kailangan magkaroon ito ng halaga at itong halaga na ito ay hindi lang para sa atin ngunit ito’y isang halaga para din sa ating mga anak, para sa ating mga kababayan, para sa ating hinaharap,” ang bahagi ng pahayag ni Bro. Jun Cruz – Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Iginiit ni Cruz na hindi lamang dapat na para sa pansariling pagbabago ituon ng bawat isa ang paggunita ng Semana Santa ngayong taon kundi maging para sa ganap na pagbabago ng buong bansa.
Umaasa si Cruz na higit na maging makahulugan at makabuluhan ang paggunita ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ngayong taon kasabay ng pagbibigay buhay sa bagong pag-asa para sa bayan.
“Sana po itong Mahal na Araw na ito ay hindi lang sa atin nakatuon kung hindi para po sa pagpapanibago at pagbabagong buhay ng ating bayan, sana po maging makahulugan ang Pasko ng Muling Pagkabuhay nitong taong ito sapagkat mayroon tayong binubuhay na bagong pag-asa para sa bayan natin,” dagdag pa ni Bro. Jun Cruz.
Kaugnay nito, inaanyayahan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat mananampalataya na ituon ang pagtingin kay Hesus ngayong Mahal na Araw at humingi ng biyaya upang mas maintindihan ang misteryo ng kanyang pagpapakasakit para sa katuparan ng pangakong kaligtasan ng Panginoon sa sangkatauhan.