202 total views
Nakalilito at tila isang kabalintunaan ang biglang pagpabor ng out-going administration sa pagpapaunlad sa renewable energy ng bansa.
Ito ang inihayag ni Rev. Father Edwin Gariguez – Executive Secretary ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinagtataka ni Father Gariguez ang paglagda ng Pangulong Benigno Aquino III sa Commission Resolution 2016–001, gayong binigyan nito ng Environmental Compliance Certificate ang 19 na Coal Fired Power plants.
“In the first place dapat hindi mo na binigyan ng napakaraming ECC at itinigil mo na yung pagbibigay ng permisong magtayo ng coal fired Power Plants.” Pahayag ni Fr. Gariguez.
Kaugnay nito, inihayag ng pari na tila paghuhugas kamay ang huling hakbang ng PNoy Administration sa pagtatapos ng termino nito makaraan ang anim na taong panunungkulan sa taumbayan.
“Stop gap measure ba to? In the first place kasi dapat napag-aralan mo na at may commitment tayo rin na ibinigay sa COP21 na 70% emission reduction, so parang yung measure na to, parang ano to paghuhugas ng kamay?” Dagdag pa ng Pari.
Gayunman ayon kay Fr. Gariguez maituturing parin na isang magandang bagay ang iiwan ng Administrasyong Aquino sa papasok na bagong pamunuan ng bansa.
“Sa isang banda, maaaring napakaraming dapat isisi, napakaraming dapat singilin, pero isa ito sa magandang ginawa ng Administrasyong Aquino.”Pahayag ni Fr Gariguez sa Radyo Veritas.
Sa ilalim ng Commission Resolution 2016-001, ipinaguutos ang pagsisiyasat sa epekto ng coal fired power plants sa mga komunidad na malapit dito.
Sa pamamagitan din nito mas mapauunlad sa renewable energy ng bansa.
Itinalaga dito ang Climate Change Commission bilang ahensya na mamumuno sa pagpapaunlad ng renewable energy. Inaasahan rin na magiging katuwang dito ang mga ahensya ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Energy at ang National Economic and Development Authority.