164 total views
Pag-aaksaya lamang ng panahon ang pagbibigay pansin sa mga walang saysay na pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ang tugon ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – dating Co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines sa pinakahuling kontrobersyal na pahayag ng Pangulo patungkol sa usapin ng tumataas na kaso ng panggagahasa o rape sa kanyang lugar sa Davao city.
Ayon sa Madre, tila hindi pinag-iisipan ni Pangulong Duterte ang kanyang mga pahayag partikular sa mga maseselang usapin tulad ng rape.
Ipinaliwanag ni Sr. Mananzan na alam ng lahat na ang rape ay isang seryosong usapin kung saan dapat na bigyang paggalang at suporta ang mga kababaihang biktima.
“We have always proclaimed that Rape is not a joke and that women should be respected etc. alam naman natin na ganun siya ano, na hindi na siya magbabago kaya sa akin it’s such a waste of time to make an intelligent (reaction), hindi naman siya intelligent yung kanyang mga sinasabi naman is so mindless, brainless…” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radyo Veritas.
Ang pahayag ng pangulong Duterte ay ikinadismaya ng iba’t ibang grupo at sektor na nagsusulong sa karapatan ng mga kababaihan.
Ang naturang pahayag ng Pangulo ay kaugnay sa inilabas na datos ng Philippine National Police kung saan lumabas na sa 2nd Quarter ng kasalukuyang taong 2018 na ang may pinakamataas na kaso ng rape ay ang Davao city na 42; sinundan ito ng Quezong City na may 41-kaso; Maynila na may 32; Cagayan de Oro City na may 24 at Zamboanga City na may 21 kaso.
Nasasaad sa panlipunang turo ng Simbahan na ang ating mga katawan ay templo ng Espiritu Santo na kinakailangan igalang at pangalagaan na taliwas naman sa sinasapit ng maraming mga kababaihang nabibiktima ng pang-aabuso at panggagahasa.