275 total views
Ang tuluyang pagpapaalis ng Pamahalaan sa 71-taong gulang na Australian Missionary Nun na si Sr. Patricia Fox ay kumakatawan sa mas malawak na usaping panlipunan.
Ito ang inihayag ni Rev. Father Eduardo Apungan, CMF, Vice Chairman ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) kaugnay sa desisyon ng Bureau of Immigration na hindi na muling palawigin pa ang Missionary Visa ni Sr. Fox.
Ayon sa Pari, ang naging hakbang ng pamahalaan laban sa Madre ay tahasang panggigipit ng pamahalaan upang maisantabi at mapatahimik ang mga kritiko ng Gobyerno at mga personalidad na hindi sang-ayon sa hindi makatarungang panuntunan ng Pamahalaan.
“So ito ay hindi usapin ng kawalan lang ni Sister Fox, ang pinaglalaban dito is yung pagrespeto sa mga institution, Democratic Institutions na kung saan ay ginagawalan ni Sister Fox at usapin din ng is there a deliberate way na gusto mong patahimikin yung nagsasalita sa panig ng mga Vulnerable Sectors…” pahayag ni Fr. Apugan sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Pari na nananatiling kaduda-duda ang tunay na dahilan ng puspusang pagpapaalis ng pamahalaan kay Sr. Fox na higit 27-taong pinaglingkuran ang mga Filipino.
Sinabi ni Father Apugan na hindi maitatatwa na ang pagpapaalis ng pamahalaan kay Sr. Fox ay dahil sa pakikiisa ng Madre sa kalagayan ng mga inaaping mamamayan.
“Ano ba ang ginawa rin ni Sister Fox, for how many years na nandito siya na naglilingkod din sa bansa natin for how many years, nang dahil lang ba sa naging critical siya sa government policy o sa issue ng kanyang involvement sa social issues, dahil ba sa kanyang ginawa na naging kritiko din siya sa polisiya ng government o yun ba ay kayang consequence sa kanyang pakikiisa sa mga vulnerable sectors…” mga katanungan ni Father Apugan.
Kaugnay nito, tuluyan ng kinansela ng Bureau of Immigration o BI ang missionary visa ng 71-taong gulang na si Sr. Patricia Fox matapos ang kanyang higit 27-taong pagmimisyon sa bansa.
Ang desisyon ng BI ay ibinase sa Philippine Immigration Act of 1940 – Section 9 na nagbabawal sa mga dayuhang misyonero sa bansa sa makisangkot sa anumang uri ng political activities.
Gayunpaman, mariing nanindigan ang kampo ni Sr. Fox na walang anumang ginawang pakikisangkot ang Madre sa mga gawaing pulitika dahil ang kanyang misyon ay para tulungan, gabayan at suportahan ang ipinaglalaban ng mga manggagawa, magsasaka at mga katutubo.