550 total views
Paigtingin ang pagtulong sa hanay ng mga magsasaka upang matiyak na mayroong suplay ng pagkain ang Pilipinas.
Ito ang panawagan ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan sa patuloy na pagharap ng Pilipinas sa krisis sa ekonomiya na dulot ng pandemya at digmaan.
“Dapat nga pagtuunan ng pansin ang agrikultura, higit na ngayon ang issue sa maraming bansa ay ang food security dapat linisin ang DA kasi maraming corruption ang nagyayari diyan,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ayon pa sa Obispo, napapanahon na rin ang pagpapaigting ng pamahalaan sa paggagawad ng mga ipinangakong lupa sa mga magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Law.
“Mas lalo dapat ipalaganap ang organic farming kasi tumataas ang presyo ng mga abono,” ayon pa sa panawagan Bishop Pabillo sa pamahalaan.
Ang mensahe ng Obispo ay matapos maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang patuloy na paghina ng Agricultural Outputs ng kabuuan ng sektor sa 2nd quarter ng 2022.
Una na ring naitala ng PSA ang mataas na 6.4% inflation rate para sa buwan ng Hulyo ng dahil sa patuloy na pag-taas ng presyo ng bilihin at mga serbisyo sa Pilipinas.