595 total views
Ito ang binigyang diin ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – dating Co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines at Former President of St. Scholastica’s College kaugnay sa isinusulong na pag-amyenda sa Republic Act (RA) No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act.
Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang panukalang ibaba ang criminal liability age ng mga kabataan mula 15-taong gulang pababa ng 9 na taong gulang.
Iginiit ng Madre na kailangan ng mga batang criminal offender ng gabay, kalinga at atensiyon para maituwid ang pagkakamali at maging mabuting mamamayan sa halip na ikulong kasama ang mga criminal.
“I am against that, ang mga 11-year old should not be put to jail I think they should be put in a house or correctional na talagang maalagaan sila para maging mabuting citizen sila (they have a lot of time) kung ibaba mo, lalo lang silang magiging kriminal kasi isasama mo sila sa mga (hundred of criminals) ang mangyayari niyan para silang magma-Masters at Doctorate in crime,”paglilinaw ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radio Veritas.
Nasasaad sa Republic Act (RA) No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act na hindi maaring ikulong o iditene ang mga kabataang edad 18-taong gulang pababa.
Batay sa tala, mula ng sinimulan ang implementasyon ng naturang batas noong 2006 ay umaabot na sa 3-libo ang kaso na kinabibilangan ng mga minor de edad noong 2007 habang sa kasalukuyan ay tumaas pa ito sa 10-libong kaso.
Nabatid na 44 lamang ang bilang ng rehabilitation center na nasa ilalim ng pamamalakad ng pamahalaan habang dalawa lamang ang kabilang sa DOH Accredited Treatment and Rehabilitation Centers ng Dangerous Drugs Board na pinamamahalaan ng religious congregations ng Simbahang Katolika.
Kaugnay nito, binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa isinagawang World Youth Day sa Krakow Poland na sa tulong ng katapangan, kakayahan at kaalamang taglay ng mga kabataan ay mas mabibigyang pag-asa ang kasalukuyang lagay ng lipunan sapagkat taglay ng nila ang dalisay na pag-asa at intensyong nagmula sa wagas na pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan.