316 total views
Tutol ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care na ibaba ang edad ng mga bata na maaaring parusahan kapag lumabag sa batas.
Ayon kay Rudy Diamante, executive secretary ng komisyun, tutol sila na mayroong mga menor de edad na ikukulong sa mga bilangguan.
Iginiit ni Diamante na matinding kahirapan ang nagtulak sa mga kabataan na gumawa ng krimen o lumabag sa batas.
Sinabi ni Diamante na nararapat gumawa ng mga programa ang pamahalaan na magbibigay oportunidad sa mga mahihirap na kabataan na makapasok sa mga paaralan.
Binigyan diin nito na dahil sa kahirapan ay dumarami ang bilang ng mga out-of-school at force labor.
“No child should be in detention. The government should instead provide program especially for out of school youth,” pahayag ni Diamante sa Radio Veritas.
Nais ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa inihaing panukalang batas na ibaba sa 9 na taong gulang ang edad na maaring maparusahan at makulong mula sa orihinal na 15-anyos. Base sa 2010 Annual Poverty Indicators Survey ng National Statistics Office, isa sa kada walong kabataan sa Pilipinas o 16-porsyento ng kabuuang 39-milyon ay hindi nakakapasok sa paaralan na napapabilang sa prostitusyon, iligal na droga at naliligaw ng landas.