341 total views
Hindi nagtatapos sa vaccination days ng pamahalaan ang pagkakataon upang makapagpabakuna ang mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Ito ang sinabi ni CBCP-Health Care Ministry executive secretary Father Dan Cancino, MI upang patuloy na hikayatin ang publiko na magpabakuna bilang proteksyon sa banta ng virus.
“Tayo po ay nasa national vaccination days pa rin pero hindi ito ngayong araw nagtatapos. And beyond po ito,” pahayag ni Fr. Cancino sa Radio Veritas.
Samantala, muling nagbabala ang opisyal na hindi dapat magpakampante kahit bakunado na laban sa COVID-19 dahil maaari pa ring makahawa o mahawaan.
Paalala ni Fr. Cancino na mahalaga pa rin ang patuloy na pagsunod sa minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask lalo na kapag nasa mga lugar na maraming tao.
“Hindi ibig sabihin na bakunado na ay totally protected ka na; doble ingat pa rin kasi habang may mikrobyo at mas madaling ma-transmit, mas madalas at mabilis mag-mutate,” ayon sa pari.
Ang Bayanihan Bakunahan – National Vaccination Days ay nagsimula noong November 29 at magtatapos ngayong December 1, 2021.
Batay sa huling ulat, hindi bababa sa limang milyong Pilipino ang nabakunahan sa unang dalawang araw ng three-day vaccination drive.
Muli namang maglulunsad ng isa pang national vaccination drive sa December 15 hanggang 17 upang makatulong na maabot ang target na mabakunahan ang 54 na milyong Pilipino sa pagtatapos ng taon.