461 total views
Hinamon ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mahahalal na kandidato sa May 9 elections na pagtuunan ang pagpapabuti sa sektor ng pangkalusugan ng bansa.
Ito’y ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Health Care vice-chairman, Military Bishop Oscar Jaime Florencio kaugnay sa pagtugon sa mga pangangailangan hindi lamang ng mga pasyente kundi maging ng mga healthcare workers.
“Pagbigyan naman natin ng solusyon ang healthcare system dahil ito ay importante sa buhay ng bawat mamamayan,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Florencio na sa pag-iral ng pandemya, napansin ang iba’t ibang suliranin na dapat tugunan sa health care system ng bansa.
Tinukoy ng obispo ang mabagal na pagtugon at pagbibigay-lunas sa mga pasyenteng mayroong COVID-19, gayundin ang hindi tamang pagbibigay ng benepisyo sa mga healthcare workers.
Batid din ng opisyal ang katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng healthcare sector na dapat nang iwaksi ng pamahalaan.
Panawagan naman ni Bishop Florencio sa mga mananalong kandidato ay isaalang-alang ang paglalaan ng mas malaking pondo sa sektor ng kalusugan nang sa gayon ay mas makapagbahagi nang wastong serbisyong kinakailangan ng publiko.
“Dapat ang healthcare ng bansa ay pagtuunan natin at ito po ay mahalaga dahil ang katumbas nito ay buhay natin. Tingnan nila kung anong mga bagay ang maaaring gawin para sa ikabubuti ng mamamayan. We are there to serve the whole -kabuuan ng mamamayang Pilipino,” ayon sa obispo.
Dalangin pa ni Bishop Florencio ang paggabay ng Panginoon sa mamamayan upang malinaw na makapili at makaboto ng karapat-dapat na lider ng bayan na tutuparin ang mga platapormang magtataguyod para sa ikabubuti ng nakararami.