502 total views
Binigyang diin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines -Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace/Caritas Philippines na hindi napapanahon na unahin ang pag-amyenda sa Saligang Batas sa patuloy na krisis sa bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo-chairman ng CBCP-NASA, bukod sa hindi napapanahon ay mahalaga rin ang pagkakaroon ng bahagi ng mga mamamayan sa isinusulong na pag-amyenda sa 1987 Constitution.
“How can we have decent and coherent public discourse about charter change when at least 75% of Filipinos have little or almost no knowledge of the Philippine Constitution?,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Giit ng obispo, magkakaroon lamang ng ‘genuine constitutional reform’ sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pakikibahagi ng mamamayang Filipino sa mga usaping pampulitika.
Binigyang diin rin ng Caritas Philippines na hindi ang pagbabago sa mga kasalukuyang economic provisions sa Saligang Batas ang kagyat ang tugon sa kahirapan sa bansa kundi ay ang pagsasaayos sa sistema ng serbisyo publiko, pagkakaroon ng pananagutan ng mga opisyal at pagiging transparent sa mga proyekto upang maiwasan ang katiwalian ang kurapsyon.
Nangangamba rin ang Caritas Philippines na magamit sa pansariling interes ng mga pulitiko ang Charter Change sa pamamagitan ng pagsusulong ng No Election, term-extension o revolutionary government.
“The present unstable governance is very susceptible to corruption of the mind. Therefore, the charter change can be used as a ploy for NO-EL (no election), term-extension, or a revolutionary government – all of which are detrimental to people welfare.” Ayon pa sa Caritas Philippines.
Hinikayat naman ng Caritas Philippines ang mamamayan na maging mapagmatyag at makialam sa mga usaping pulitika at ang pananalangin na magkaroon ng dalisay na hangarin ang mga opisyal ng bayan na maglingkod ng tapat, makatao, at maka-Diyos.