210 total views
Naninindigan si CBCP-Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People chairman Balanga Bishop Ruperto Santos na mararamdaman lamang ang tunay na pagbabago sa pagpapahalaga sa buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng marami at may dangal na trabaho at paglaban sa kriminalidad sa bansa.
Inaasahan ni Bishop Santos makapagbibigay ng maraming trabaho na may sapat na suweldo ang bagong administrasyon upang hindi na umalis ng bansa ang mga Filipino.
Inihayag ng Obispo na maraming pamilya ang nasisira dahil sa pagkakahiwalay ng magkakapamilya dahil sa pagta-trabaho sa ibang bansa.
“Una sa lahat ay dapat magkaroon ng paggalang sa buhay, ang buhay ay iingatan, aalagaan hindi natin sisirain, hindi natin papatayin. Ito ang unang dapat gawin. Ikalawa, dapat magkaroon ng trabahong disente at marangal upang sa ganun ay hindi na nila kailangan pang umalis ng bansa para magtrabaho. Dito sa bansa ay makakapagtrabaho at pangangailangan sa buhay, sa bahay ay nasasagot at natutugunan at hindi sila mapapahiwalay sa kanilang mahal sa buhay. Maalagaan na ang kanilang mga anak at makakaiwas pa sa mga kaguluhan na suliranin na idinudulot ng pagkakahiwalay ng isang pamilya,” pahayag ng Obispo.
Binigyang diin ni Bishop Santos na mahalagang matupad ng bagong administrasyon ang pangako nitong disiplina sa mga lalabag sa batas at gagawa ng krimen sa lipunan.
Umaasa din ang Obispo na mawawala na sa bansa ang palakasan at mga nakakalusot sa batas dahil sa malakas na impluwensiya at backer na nasa kapangyarihan.
Inaasahan din ng Obispo na tuluyang masugpo ang paglaganap ng illegal na droga na siyang sumisira sa buhay ng tao at pinagsisimulan ng karahasan at krimen sa bansa.
“So una sa lahat ay disiplina, kamay na bakal laban sa kriminalidad, supilin ang droga”.pahayag ni Bishop Santos
Nabatid na 92-porsiyento ng mga barangay sa Metro Manila ay mayroong gumagamit at nagbebenta ng illegal na droga.
Base sa record ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, 20.51-porsiyento o 8,629-barangay mula sa kabuuang 42,065- barangay sa Pilipinas ay nakapagtala ng mga drug related cases.