259 total views
Nagpa–abot ng pasasalamat ang Catholic Bishops Conference of the Philippines–Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples sa pagpapatawad at pagpapalaya ng 15 overseas Filipino workers (OFWs) na bilanggo sa Qatar.
Umaasa si Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon na tularan nawa ng susunod na administrasyon ang pagpapahalaga sa buhay ng bansang Qatar lalo ng kanilang Emir Seikh Al Thani at itigil na ang pagpapatupad ng parusang kamatayan upang tuluyan ring maisalba ang nasa mahigit 90 OFW na nasa death row sa iba’t ibang bansa.
“Dapat natin itong ipagpasalamat sa kanilang Emir sa Qatar sa kanyang Royal clemency ito ay nagpapakita na sila rin ay nagpapahalaga sa ating ginagawa doon. Sila ay nagpapahalaga sa atin sa trabaho at nagpapahalaga sa buhay. At ito rin ay isang magandang aral para sa ating pamahalaan na kung saan ay bigyan ng pagpapahalaga ang ating mga OFW na kung saan sila ay alagaan, sila ay ingatan at gumawa ng paraan upang ang kanilang buhay ay maligtas… Ngayon ay magandang pag–isipan, pagnilayan na sa lahat ng sumusulong sa death penalty isang hindi magandang halimbawa na tayo na palagi nating hinihingi sa ibang bansa higit sa lahat sa 90 na nasa bilangguan at isa nga rito ay si Mary Jane Veloso at si Luz Dacanay Policarpio na hinihingi natin na sila ay makalaya,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nanawagan naman si Bishop Santos kay President elect Rodrigo Duterte na imbes na pagtuunan ng pansin ang death penalty ay isulong ang pagsasa–ayos ng sistemang hudikatura ng bansa at ayusin ang formation ng mga bilanggo tungo sa pagbabago.
“Bigyan natin ng pagkakataong mabuhay, ingatan natin ang buhay, alagaan natin ang buhay, ang kailangan natin ay ating iwasto, ating itama ang ating judiciary system at ‘yun ring ating mga prisons na ating i–review, ating i–reform, ‘yung tao, ‘yung sistema at ‘yung istruktura,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Magugunita na noong nakaraang taon ay ginawaran rin ng Emir ang nasa 12 Pilipinong bilanggo sa Qatar noong okasyon ng Ramada nitong Hulyo ng nakaraang taon at hiwalay pa rito ang 10 pang Pilipinong pinalaya kasama ang isang Filipina noong Qatar National Day.