781 total views
Hindi tunay na pag-ibig ang pag-ibig na humahadlang sa buhay.
Ito ang mensahe ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ngayong ipinagdiriwang ang Araw ng mga Puso kasabay ng Pro-Life Sunday.
Ayon sa Obispo, mahalagang bigyang-pansin at igalang ang buhay ng bawat isa dahil ito ang nagpapakita ng tunay na simbolo at kahulugan ng pag-ibig.
Paliwanag pa ni Bishop Pabillo na hindi tunay ang pag-ibig ng isang tao kung ang layunin lamang nito’y hadlangan ang karapatang mabuhay na nagpapahiwatig naman ng pagiging makasarili at makasalanan.
“Ang tunay na pag-ibig ay nagdadala ng buhay. Kaya ang pag-ibig na pumipigil sa buhay ay makasarili, hindi tunay na pag-ibig,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Hinikayat naman ng Obispo ang bawat isa na dapat na mas itaguyod at unahin ang kahalagahan ng buhay sa halip na piliin ang pangsariling kagustuhan at kapakanan.
Ito’y dahil ang pagiging makasarili ay nag-uudyok upang hadlangan ang karapatan ng buhay at ipakita ang tunay na kahulugan ng pag-ibig na nauna nang itinuro sa atin ng Diyos na gawin sa kapwa.
“Kaya po ngayong Valentine’s day, i-promote po natin ang pag-ibig na nagbibigay ng buhay. Ang pag-ibig na responsable sa iba at hindi lang para sa sarili… Mas nauuna po ang buhay kaysa sa choice. At ang choice nga natin ay ginagamit natin upang i-promote ang buhay, hindi po upang hadlangan ang buhay.” ayon sa Obispo.
Ayon sa pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco, ang tunay na kahulugan ng pagmamahal ng Diyos ay iniaakay tayo upang higit pang maunawaan na ang pag-ibig ay ang kahulugan ng buhay.