287 total views
Ang mga binyagang Katoliko ay hindi na lamang anak ng tao kun’di anak na ng Diyos
Ito ang binigyang diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Jr. matapos pangunahan ang pagbibinyag sa labindalawang sanggol na mula sa iba’t ibang komunidad ng maralitang taga-lungsod sa Metro Manila.
Hinimok ng Obispo ang mga magulang, ninong at ninang na alagaan ang mga bata dahil sa oras na sila ay mabinyagan ay nagiging anak na sila ng Diyos at kapatid ni Hesus.
Ipinaalala din niya na hindi sapat ang mga pisikal na pangangailangan ng tao upang masabing maayos na naaalagaan ang mga bata.
Binigyang diin ng Obispo na kinakailangang mapatnubayan ang espirituwalidad ng mga bata habang sila ay pinalalaki.
“Sa pagpapalaki sa kanila, hindi sapat ang gatas o kanin at ulam, ang kinakailangan ay ang mabuting balta ng ating panginoong Hesukristo ang ebanghelyo at ang inyong mabuting halimbawa at panalangin.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani.
Enero 12, 2020, inilunsad ng Radyo Veritas ang Holy Birthday Campaign kasabay ng Solemnity of the Lord’s Baptism sa pakikipagtulungan sa Minor Basilica of the Black Nazarene o St. John the Baptist Parish na kilala sa tawag na Quiapo Church.
Layunin nito na mapalalim ang pagpapahalaga ng mga mananampalataya sa kasagraduhan ng sakramento ng binyag at maihanda rin ang bawat katoliko sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Batay sa Veritas Truth Survey 57% lamang ng mga Pilipinong Katoliko ang nakaaalam ng araw ng kanilang binyag habang 32% ang hindi alam ang kanilang Baptismal Day at 11% naman ang hindi sigurado sa petsa ng kanilang binyag.