2,654 total views
Pinaalalahanan ng arsobispo ng Maynila ang mananampalataya na ang pagpapahid ng abo ay paanyaya ng kapakumbabaan.
Ito ang pagninilay ng Kanyang Kabunyian Cardinal Jose Advincula sa ginanap na Banal na Misa sa Manila Cathedral nitong Ash Wednesday, February 22.
Ayon sa cardinal, dapat iwasan ng tao ang pagiging makasarili sa halip ay paigtingin ang pagkalinga sa kapwa lalo na sa maralita at mahihinang sektor ng lipunan.
“To have ashes on our head is symbolic of having the ground above us and so the ashes on our heads must humble our heads and bring our feet to ground, the ashes on our heads guard us against the delusions of self-righteousness, self-sufficiency, self-entitlement and self-grandiosity,” ayon kay Cardinal Advincula.
Binigyang diin ng arsobispo na ang panahon ng kuwaresma ay pagkakataong talikuran ang makamundong gawain at bigyang tuon ang pagpapalagong espiritwal.
Hamon ni Cardinal Advincula sa mamamayan na ipakita ang tunay na diwa ng pagkalinga upang maramdaman ang pag-ibig ng Diyos sa kapwa.
“Let the ashes on our head remind us to pray with sincerity of heart, fast in genuine solidarity with the ones who are suffering, and give alms out of hearts that are truly contrite and compassionate,” ani ng cardinal.
Sa pagsimula ng 40-araw na paghahanda sa pagpakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus ay muling nagtungo sa mga simbahan ang mananampalataya upang makibahagi sa Miyerkules ng Abo.
Una nang ipinag-utos ni Cardinal Advincula sa Archdiocese of Manila ang muling pagbabalik sa nakagawaing pagpapahid ng abo sa noo ng mananampalataya makaraan ang tatlong taong pagpaliban bunsod ng COVID-19 pandemic.
Hinikayat ng opisyal ang mananampalataya na sa pagpahid ng abo sa noo ay maunawaan ang krus ni Hesus na sumasagisag ng tagumpay ng tawirin ang dilim ng kamatayan tungo sa landas ng katubusan ng sanlibutan.