1,797 total views
Nananawagan sa pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang Environmental Legal Assistance Center (ELAC) na magpasa ng resolusyong magpapahinto sa isinasagawang pagmimina sa lalawigan.
Kasunod ito ng pagbaha sa Brooke’s Point, Palawan sanhi ng patuloy na pag-uulang dala ng low pressure area at Shear Line.
Ayon kay ELAC executive director Atty. Grizelda Mayo-Anda, dapat magkaroon muna ng pag-aaral ang lokal na pamahalaan ng Palawan upang higit na matukoy ang dahilan ng lumalalang pinsala sa kalikasan ng lalawigan.
“We strongly urge the Provincial Board of Palawan to pass a resolution to request the Department of Environment and Natural Resources (DENR) and other government agencies to impose a moratorium [on mining and quarrying] pending the conduct of assessment,” pahayag ni Anda.
Sinabi ni Anda na makabubuti ring isulong ng Palawan Council for Sustainable Development at DENR ang disaster risk reduction and management at pagtugon sa pagbabago ng klima.
Iminungkahi naman ng opisyal na balikan ang Strategic Environmental Plan clearance para sa mga proyekto sa Palawan, maging ang Annual Environmental Protection Enhancement Program ng lahat ng minahan sa lalawigan.
Ito’y upang matugunan ang mga katanungan hinggil sa mga alalahanin sa kalikasan at maging batayan sa pagpapatupad ng moratorium sa lahat ng uri ng pagmimina sa Palawan.
“Kung wala kang sapat na pag-aaral at alanganin tayo, gumawa tayo ng hakbang. Ang burden of proof niyan ay wala sa mga mamamayan. The burden of proof should shift to those who have destroyed our natural forests,” ayon kay Anda.
Sa kasalukuyan, mayroong apat na minahan ang nagsasagawa ng operasyon sa Palawan na patuloy na pinipigilan ng mamamayan maging ng simbahang katolika at iba pang denominasyon.
Ito’y ang Rio Tuba Nickel Mining Corporation at Berong Nickel Corp. sa mga bayan ng Bataraza at Quezon, gayundin sa Narra at Brooke’s Point na matatagpuan naman ang Citinickel Mines and Development Corp., at Ipilan Nickel Corp.