16,836 total views
Ikinalugod ni Bangued Bishop Leopoldo Jaucian ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyang ipahinto ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO sa bansa.
Gayundin ang paninindigan ng punong ehekutibo sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea na binigyang diin sa kanyang mahigit isang oras na pag-uulat sa bayan nitong July 22.
Ayon kay Bishop Jaucian, ang pagbibigay diin ng pangulo sa mahahalagang usapin sa bansa tulad ng POGO at WPS ay magpapalakas at magpapanatag sa kalooban ng mamayan.
“Tuwang-tuwa ako personally na na-ban ang POGO at muling pinaninindigan ang West Philippine Sea ay sa atin, parang it’s a moral boost sa pagiging Pilipino natin,” pahayag ni Bishop Jaucian sa Radio Veritas.
Matatandaang sa SONA ni PBBM tinuran ang mga dahilan ng tuluyang pagpapahinto ng oeprasyon ng POGO tulad ng mga krimeng iniuugnay dito gaya ng financial scamming, money laundering, prostitution, human trafficking, kidnapping, brutal torture, at murder.
Dahil dito hinimok ng obispo ang mga Pilipino na patuloy suportahan ang magagandang adhikain ng pamahalaan para kabutihan ng bansa at ng bawat mamamayan.
“Suportahan natin ang mga mabubuting adhikain ng ating pamunuan lalo na ang ating presidente, hindi lang sa panalangin kundi lahat tayo ay makiisa sa kanyang adhikain para sa kabutihan ng ating bansa,” ani Bishop Jaucian.
Isa si Bishop Jaucian sa mga dumalo sa SONA at kinatawan ng simbahang katolika sa pambungad na panalangin bago magsimula ang pag-uulat sa bayan ni PBBM.
Batay sa mga pag-aaral lumaganap ang POGO sa Pilipinas noong 2016 nang pahintulutan ng dating administrasyong Rodrigo Duterte.
Agad ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR ang agarang pagkilos sa pagpapasara sa lahat ng POGO sa bansa bago matapos ang 2024.
Sa datos ng Philippine Institute for Development Studies nasa tatlong bilyon hanggang 14-bilyong pisong kita ang mawawala sa pamahalaan sa tuluyang pagpapasa ng POGO sa bansa.
Una na ring tiniyak nina Senators Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian ang pagtulong sa tinatayang humigit kumulang 25, 000 Pilipinong manggagawa na maapektuhan sa pagpapasara sa mga POGO.