3,229 total views
Umapela sa mga kinauukulan ang Diyosesis ng Borongan upang tugunan ang panawagang ihinto na ang pagmimina sa Eastern Samar.
Ayon kay Borongan Social Action Director Fr. James Abella, umabot sa humigit-kumulang 2,000 katao ang nakibahagi sa ginanap na Jericho Walk Prayer Rally noong Agosto 7 sa pamamagitan ng caravan mula sa iba’t ibang parokya hanggang sa Eastern Samar Provincial Capitol Grounds, at sinundan ng paglalakad patungo sa Cathedral Parish of the Nativity of Our Lady o Borongan Cathedral.
Pinangunahan ito ni Bishop Crispin Varquez kasama ang iba’t ibang makakalikasang grupo bilang sama-samang pagkilos para sa pangangalaga sa mga likas na yaman ng lalawigan lalo na sa Homonhon at Manicani Island.
“We are appealing especially to our government leaders, both from local and national, especially din ‘yung departments na nangangasiwa dito sa pagmimina… na sana tingnan nila ‘yang sitwasyon sa Homonhon at kung pwede ma-stop na ‘yung pagmimina dun.” pahayag ni Fr. Abella sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy naman ni Fr. Abella ang Department of Environment and Natural Resources, Mines and Geosciences Bureau, at Environmental Management Bureau na higit na pagtuunan ang pagpapahinto sa mapaminsalang hangarin ng pag-unlad.
Pagbabahagi ng pari na kasalukuyang nasa ilalim ng moratorium ang Manicani Island, habang nagpapatuloy naman ang operasyon ng apat na mining company sa Homonhon Island, ito ang Tech Iron Resources, Inc., Emir Mineral Resources Corp., King Resources Mining Corp., at Global Min-met Resources, Inc.
“Sa ngayon, ang nakikita naming grabe ang mining ay sa Homonhon kasi sa Manicani, naka-moratorium pa. Parang nangangambang mag-open ulit for another 15 years. Pero sa Homonhon, mayroon talagang apat na mining companies na sabay-sabay na nagmimina. It’s very alarming kasi malapit na siya sa barangay tapos malapit na rin siya sa mga eskwelehan ‘yung mining pits.” saad ni Fr. Abella.
Una nang kinondena ni Bishop Varquez ang pagpapatuloy ng pagmimina sa Homonhon at Manicani Island sa Guiuan, Eastern Samar dahil sa pinsalang dulot nito sa kalikasan at buhay ng mamamayan.