12,117 total views
Hinimok ng Diocese of Pasig Ministry on Ecology ang mamamayan na makiisa sa panawagan sa pangangalaga at pagpapanumbalik sa mga ilog para sa kapakanan ng susunod na mga henerasyon.
Ayon kay Ecology ministry director, Fr. Melvin Ordanez, ang mga ilog ay nagbibigay-buhay, hindi lamang sa mga nilalang na umaasa rito, kundi maging sa aspeto ng espiritwal na pamumuhay.
Ang panawagan ni Fr. Ordanez ay kaugnay sa pagdiriwang ng World Rivers Day (WRD) 2024 kung saan kabilang sa mga pinagtutuunan ay ang Ilog Pasig na nahaharap sa banta ng proyektong Pasig River Expressway (PAREX) Project.
“We should cherish this beautiful gift, a symbol of life and hope. May we be good stewards in restoring the beauty of the Pasig River,” pahayag ni Fr. Ordanez sa panayam ng Radio Veritas.
Hinamon ng pari ang bawat isa na gampanan ang tungkulin bilang mga katiwala ng mga likas na yaman tulad ng mga ilog, bilang pagpapakita ng malasakit at pasasalamat sa mga biyayang handog ng Diyos.
Pagbabahagi ng pari, saksi sa kasaysayan ang Pasig River, maging ang iba pang mga ilog sa bahagi ng Taguig City at Pateros sapagkat dito dumaan ang mga misyonero upang maipalaganap ang pananampalataya sa diyosesis.
“The history and faith brought by the rivers in Pasig, Pateros, and Taguig is significant, as these are the paths taken by the first missionaries in our diocese,” ayon kay Fr. Ordanez.
Nitong September 22 ay nakatuwang ng grupong Ilog Pasiglahin ang ecology ministry ng diyosesis sa inilunsad na programa para sa pagdiriwang ng WRD 2024.
Tema ng gawain ang “Ilog para sa Lahat: Makatao at Makalikasan; PAREX, Wakasan na!”, na layong sama-samang itaguyod ang makatao at makakalikasang pag-unlad para sa tunay at inklusibong rehabilitasyon ng Ilog Pasig.
Una nang nagpahayag ng pagtutol ang Diocese of Pasig hinggil sa PAREX project dahil sa pinsalang maaaring idulot nito sa Ilog Pasig, lalo na sa mga pamayanan, kultura, at kapaligiran ng buong Metro Manila.
Nagkakahalaga ng P95-bilyon ang proyekto at may habang higit 19-kilometro na babagtasin ang kahabaan ng Pasig River mula Maynila patungong Taguig City.