43,317 total views
Ikinabahala ni Randy Delos Santos – field coordinator ng Program Paghilom ng Arnold Janssen Kalinga Foundation para sa naiwang kapamilya ng mga biktima ng extra judicial killings ang pagpapahintulot ng Philippine National Police (PNP) sa mga sibilyan na magmay-ari ng semi-automatic rifles.
Ayon kay Delos Santos, tiyuhin ni Kian Loyd Delos Santos na biktima ng pagpaslang sa War on Drugs noong 2017, magdudulot ng pang-aabuso, karahasan at pagtaas ng kriminalidad ang pagpapahintulot sa mga sibilyan na magmay-ari ng mataas na kalibre ng baril.
Iginiit ni Delos Santos na dapat na muling pag-aralan ang pagpapatupad sa naturang inamyendahang batas ng pagmamay-ari ng armas sa bansa at bigyang halaga ang kaligtasan ng mamamayan.
“Nakakatakot yan kasi kung pahihintulutan nila [ang pagmamay-ari ng mga sibilyan ng semi-automatic rifles] ang tanong bakit? Wala na ba silang kakayanan na protektahan ang mamamayan at saka kung bibigyan ng pagkakataon ang sinumang residente na magmay-ari nito hindi ho kaya maging mapang-abuso at maraming mapatay dahil ito ay magiging banta sa bawat isa, nakakatakot ho at dapat pag-isipan nila.” Bahagi ng pahayag ni Delos Santos sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Delos Santos na dapat ang mga alagad ng batas ang may kapasidad na magkaroon na mataas na kalibre ng baril at mga armas lalo na’t wala namang banta o panganib na kinahaharap ang bansa sa kasalukuyang panahon.
Pagbabahagi ni Delos Santos, nakababahala kung saan maaring gamitin ng mga sibilyan ang mataas na kalibre ng baril.
“Bakit nila pahihintulutan, dapat sila [PNP] lang yung may kapasidad. Para saan? bakit nila bibigyan ng pagkakataon na magmay-ari ng baril ang mga tao? Siguro pwede yan kung tayo ay nasa banta o yung ating bansa ay nasa panganib, nasa under tayo ng gyera.Wala naman tayong gyera, wala naman tayong kalaban hindi naman kagaya ng Ukraine. Walang threat, walang banta so para saan gagamitin ang mga baril na ito?” Dagdag pa ni Delos Santos.
Naunang binago ng PNP ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition kung saan pinapayagan na bigyan ng lisensiya ang mga sibilyan para bumili at magmay-ari ng M-14 rifles at iba pang semi-automatic na mga baril.
Matataandaang una na ring kinundina ni Pope Francis ang maluwag na mga polisiya ng iba’t ibang bansa kaugnay sa pagmamay-ari at paggamit ng baril na nagdudulot ng karahasan sa lipunan.