1,136 total views
Ang Mabuting Balita, 14 Nobyembre 2023 – Lucas 17: 7-10
PAGPAPAKUMBABA
Noong panahong iyon, sinabi ng Panginoon, “Ipalagay nating kayo’y may aliping nag-aararo, o nagpapastol kaya ng tupa. Pagkagaling niya sa bukid, sasabihin ba ninyo sa kanya, ‘Halika at nang makakain ka na’? Hindi! Sa halip ay ganito ang sinasabi ninyo: ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan; magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako’y kumakain. Kumain ka pagkakain ko.’ Pinasasalamatan ba ang alipin dahil sa ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayun din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.’”
————
Tayong lahat ay mga alipin sa Simbahan, mula sa Sto. Papa hanggang sa mga layko. Naglilingkod tayo sa Diyos sa iba’t-ibang paraan, ayon sa ating mga kakayahan. Sapagkat walang alipin ang maaaring maging mas mataas kaysa kanyang amo, wala sa atin ang maaaring maging mas mataas sa Diyos. Samakatuwid, hindi tayo maaaring umasa na magantimpalaan para sa ating paglilingkod, at hindi tayo maaaring umasa na tumanggap ng papuri at pasasalamat para dito; ni hindi tayo maaaring umasa na tumanggap ng mga espesyal na pabor o konsiderasyon bilang kapalit ng ating paglilingkod.
Wala tayong karapatan na umasa na gantimpalaan sa paglilingkod natin sa Diyos. Unang una, lahat ng ating kakayahan by nagmula sa kanya. Pangalawa, ang paglilingkod sa kanya ay ang pinakamainam na paraan ng pagpapakita ng utang na loob para sa mga biyayang tinatanggap natin mula sa kanya araw-araw. Tayo ang dapat magbigay papuri at pasasalamat sa kanya. Hangga’t wala tayong PAGPAPAKUMBABA, hindi tayo tunay na makapaglilingkod sa Diyos.
Panginoong Jesus, turuan at tulungan mo kaming matularan ka na bagama’t ikaw ay likas at tunay na Diyos, hindi mo ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos at sa halip ay naging katulad ng isang alipin, at nagpakumbaba hanggang kamatayan sa krus! (Filipo 2: 6-8)