232 total views
Ito ang mga natatanging katangiang taglay ni Venerable Bishop Alfredo Maria Obviar na naging susi upang ideklara itong venerable ni Pope Francis na unang hakbang bago maging ganap na Santo ang isang tao.
Ayon kay Mother Rene Rarela, ng Missionary Catechists of St. Therese of the Infant Jesus, ang tumatayong postulator para sa pagiging Santo ni Bishop Obviar, hinahangaan ng tao ang pagiging mapagpakumbaba ng namayapang Obispo at ang pagkilala sa mga lider ng Simbahang Katolika.
“Ang outstanding virtues niya [Bishop Obviar] ang kaniyang humility and then yung kaniyang obedience particularly sa mga namumuno sa Simbahan,” pahayag ni Mother Rarela sa Radio Veritas.
Kasalukuyang nasa proseso ang mga kinakailangan upang maideklara naman itong Beato ang ikalawang antas bago tuluyang makasama sa hanay ng mga Banal si Bishop Obviar kabilang na dito ang paghahanap ng milagro.
“As of now kinakailangan ang isang authentic miracle yung miracle which is unexplainable by Science,” dagdag ng Madre.
Sinabi ng Madre na 5 himala ang kasalukuyang pinag-aaralan ngayon ng isang doktor ng medisina upang matiyak na ito ay himalang napapagaling sa tulong ng mga panalangin ni Bishop Obviar.
Ipinaliwanag ni Mother Rarela na matapos ang pag-aaral dito sa Pilipinas ay isusumite na ito sa Congregation for the Causes of Saints sa Vatican para sa masusing imbestigasyon ng mga eksperto sa larangan ng medisina at mga eksperto ng Simbahan.
Inihayag ng Madre na kailangang maipaliwanag yung medical science bago madeklarang authentic yung miracle.
Umaasa ang madre na sa pagiging Venerable ni Bishop Obviar ay matutuhan din ng mga mananampalataya ang buhay kabanalan ng Obispo lalo na sa mga naglilingkod sa Sambayanan ng Panginoon.
Pinaiigting din ng mga madre ng Missionary Catechists of St. Therese of the Infant Jesus, ang kongregasyong itinatag ni Bishop Obviar noong 1958 ang pagsasagawa ng mga symposium upang higit pang makilala ng mga mananampalataya si Bishop Obviar.
Dahil dito inaanyahan ni Mother Rarela sa isang symposium na gaganapin sa ika – 20 ng Nobyembre sa Tayabas Quezon mula ika – 7 ng umaga hanggang ika – 5 ng hapon at maaaring makipag-ugnayan sa telepono bilang (042) 793-3699 o 09173540483.