261 total views
Papuri at pasasalamat sa iyo, Diyos naming Ama sa pagbubuhos ng iyong mga biyaya at pagpapala sa amin sa pamamagitan ni Hesus na iyong Anak: kay sarap isipin una niyang "tanda" o himala nangyari doon sa kasalan sa Cana, Galilea nang gawin niyang masarap na inuming alak ang tubig na isinalin sa mga tapayan.
Sa gitna ng tanda na ito ay naroon ang Mahal na Birheng Maria na nagkusang namagitan sa mga bagong kasal nang maubusan ng alak sa kanilang pagdiriwang; naligtas sila ni Hesus sa kahihiyan nang gawin niyang alak mga tubig sa tapayan.
Makalipas ang kulang-kulang dalawang libong taon noong 1858, napakita ang Mahal na Birheng Maria kay Santa Bernadette doon sa isang grotto sa Lourdes, France; bumukal isang munting batis at hanggang ngayon, tinuturing na mapaghimala matapos mapagaling maraming mga maysakit.
Salamat sa biyaya ng tubig na siya ring dumaloy sa sinibat na tagiliran ni Hesus doon sa Krus; salamat sa biyaya ng tubig na tanda ng paglilinis sa aming katauhan sa sakramento ng binyag; salamat Ama sa pagtupad ng iyong pangako kay Propeta Isaias (66:10-14) na kami ay iyong "padadalhan ng ina" na sa amin ay "kakalinga at mag-aaruga tulad ng sa isang sanggol sa oras ng pagkakasakit at kagipitan"; higit sa lahat, salamat sa pagbibigay mo sa amin, Panginoong Hesus, sa iyong Ina, ang Mahal na Birheng Maria na naging daluyan ng maraming pagpapala at kagalingan sa mga may sakit at karamdaman sa iyong kapangyarihan.
Panginoong Hesus, dalisayin mo kami at linisin aming mga puso at kalooban upang makatulad si Maria na iyong Ina at amin ding Ina; sa kanyang pananalangin nawa kami ay maghatid ng kagalingan at kapayapaan sa mga may sakit at nahihirapan gaya ng mapaghimalang tubig sa batis ng grotto sa Lourdes, France lalong higit sa panahong ito ng pandemya. Amen.