341 total views
Pinuri ng NASSA / Caritas Philippines ang inisyatibo ng mga nagpasimula ng community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa gitna ng panahon ng pandemya.
Ayon kay Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, kamangha-mangha ang pagpapamalas ng pagkakaisa, pagtutulungan, kabutigan at pagbibigayan ng lahat sa komunidad upang makatulong sa mga nangangailangan at kapos sa buhay.
“we are very happy and thankful that our communities never cease to bring out the innate generosity, kindness and compassion in everyone even at a time when poverty is most visible.” Ang bahagi ng pahayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Ibinahagi ng Obispo na ang ipinapamalas na pagbabayanihan ng mamamayan sa gitna ng pandemya ay isang maka-Kristiyanong paraan ng pagtugon sa pangangailangan ng kapwa.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo, may kapangyarihan ang bawat isa na maging daluyan ng awa at pagmamahal ng Panginoon upang mapagaan ang pinagdadaanan ng kapwa.
Dahil dito umaasa ang Obispo na magpatuloy ang mabuti at kahanga-hanggang inisyatibong ito ng mga mabubuting indibidwal, grupo, samahan, pamilya at komunidad upang matiyak ang kapakanan at kabutihan ng kapwa.
“As a people, we are powerful. Hence, we continue to call on all individuals, families and communities to establish these kindness stations or whatever you want to call it. The important thing is, as a Christian nation, we collectively look and reach out for our neighbors. At Caritas Philippines, we call it alay kapwa,” Dagdag pa ni BIshop Bagaforo.
Sa kasalukuyan may aabot na sa halos 80 ang mga community pantry na itinayo sa iba’t ibang lugar sa bansa mula ng nagsilbing huwaran ang Maginhawa Community Pantry sa Maginhawa, Quezon City na nagsimula noong ika-14 ng Abril, 2021.