1,545 total views
Tiniyak ng bagong kura paroko ng Sacred Heart of Jesus Parish – Sta. Mesa Manila ang pagpapaigting ng mga programang makatutulong mahubog at mapalalim ang pananampalataya ng nasasakupan.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Artemio Fabros sinabi nitong ipagpatuloy ang mga gawaing magpapalago bilang isang komunidad.
“Pagsusumikapan kong itaguyod ang pamayanang ipinagkatiwala para mas umunlad ang panananampalataya at mailapit ang tao sa Panginoon,” ani Fr. Fabros.
Ginanap ang pagtalaga sa pari nitong January 24 kasabay ng pagbukas sa Jubilee Door ng simbahan sa pagdiriwang ng simbahan sa ika – 120 anibersaryo ng Pagdating ng Pagdedebosyon sa Mahal na Puso ni Hesus.
Sinabi ni Fr. Fabros na sa gabay ng Mahal na Puso ni Hesus ay higit na mapalalim ang pananampalataya ng sambayanan.
Hiling ng pari sa nasasakupan ang pagtutulungan upang mapagtagumpayan ang anumang gawain sa ikabubuti at ikauunlad ng parokya.
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagbukas sa Jubilee Door at pagtalaga kay Fr. Fabros kung saan inihabilin ng cardinal sa mamamayan ang pari at hiniling na tuwangan sa mga gawain upang maging epektibong pinunong pastol ng parokya.
Dahil sa pagbukas ng Pintong Hubileyo ang makatatanggap ang sinumang dadalaw sa simbahan ng plenary indulgence alinsunod sa mga alintuntuning mangumpisal, tumanggap ng komunyon at ipanalangin ang natatanging intensyon ng Santo Papa Francisco.