468 total views
Mahirap maging magulang ngayon sa ating panahon. Mas maraming mga bagay at tao ang nakikipagtunggali sa atensyon at imahinasyon ng ating mga kabataan. Sabay nito ay ang napakaraming hamong pangkabuhayan na hinaharap ng ating mga magulang. Kamusta na nga ba ang pamilyang Filipino ngayon?
Alam mo kapanalig, isa sa mga sinasabing pinakamalaking pressure ng mga magulang sa ating bayan ay ang pagbabalanse ng kanilang “presence” sa kanilang pamilya at ng pangangailangan nilang lisanin ang tahanan para lamang kumita. Itinuturing na ngang luxury ngayon ang family time dahil kapanalig, kahit pa hindi ka mag-abroad ngayon, ang hirap makahanap ng panahon na makasama ang mga anak dahil sa trapik pa lang sa ating lansangan, ubos na ang ating oras.
Kaya nga’t hindi na nakakapagtaka na ayon sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study (YAFS5) isang pag-aaral ng UP Population Institute, 67% lamang ng ating mga kabataan ang napapalaki ng parehong magulang. Sa mga may edad 15-19 years old, 65% lamang, habang sa mag edad 2024, 68%. Mababa ito kumpara sa mga datos mula 1994 hanggang 2013 kung saan mga 84% ng mga kabataan ay napapapalaki pa ng parehong nanay at tatay. Ngayon, mga 18% ay mga nanay na lamang ang kasama, habang mga 4%, tatay naman. Mga 7% naman ay pinalaki ng mga ibang tao o kaanak, gaya ng mga lolo at lola.
Ang pangkaraniwang rason nito ay dahil sa pangangailangan magtrabaho sa malayong lugar (45%), paghihiwalay ng mag-asawa (38%), at kamatayan ng magulang (17%). Sa paglipas ng panahon, mas lalong naging maraming nagsasabi na ang pangangailan sa pagtatrabaho sa malayong lugar ang pinakamalaki at komon na dahilan. Nakikita rin ito sa dami ng mga OFWs ngayon, na tinatayang nasa mahigit 2.3 milyon na, base sa opisyal na datos.
Kapanalig, mahirap na sitwasyon ito, lalo pa’t ang teenage years ang mga panahon kung kailan mas kailangan ng gabay ng ating mga anak. Hindi natin masisi ang mga magulang na piliing magtrabaho sa malayong lugar dahil para rin naman ito sa survival ng kanilang pamilya. Liban dito, hindi lamang pamilya nila ang kanilang natutulungan. Sa totoo lang, nasasalba din nila ang ekonomiya ng bansa.
Sa ganitong sitwasyon, kailangan ng umaksyon hindi lamang ng pamahalaan, kundi ang kabuuan ng ating lipunan. It takes a village to raise a child. Sa ating pangangalaga sa kanila, ang buong bayan natin, pati ang kinabukasan natin, ay ating ding naalagaan. Unang una, liban sa pagbibigay proteksyon sa mga naiwang anak, kailangan ding bigyang proteskyon ang mga OFW sa ibang bansa. Kailangan din nating gawain mas accessible ang teknolohiya sa kanila upang tuloy tuloy ang kanilang komunikasyon sa kanilang pamilya. Sa komunidad naman, lahat tayo ay dapat magmonitor at magmasid sa welfare at kaligtasan ng mga bata. Ilan lamang ito sa ating maaring gawin.
Payo nga ng Pacem in Terris: Ang pamilya ang una at mahalagang selula ng lipunan ng tao. Ang pinakamaingat na probisyon ay dapat gawin para sa kanila upang mapapalakas ang pamilya at maisagawa nito ang kanyang tungkulin at papel sa lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.