1,604 total views
Tiniyak ng Ministry on Biblical Apostolate (MBA) ng Archdiocese of Manila ang pagpapaigting ng mga programang magsusulong sa kahalagahan ng pagbabasa ng bibliya.
Ito ang mensahe ni RCAM-MBA Minister Fr. Rolando Garcia Jr. sa ginanap na word conference bilang pagdiriwang sa National Bible Month.
Ayon sa opisyal, ang mga katulad na gawain ay makatutulong sa mamamayan na mapalalim ang kamalayan sa Salita ng Diyos at higit na mahikayat na basahin ang bibliya sa Kani kanilang tahanan.
“Napakagandang pagkakataon po itong conference dahil malaking opportunity ito na lumago ang ating appreciation sa ipinagdiriwang na National Bible Month na makatulong sa pananampalataya ng bawat isa.” pahayag ni Fr. Garcia sa panayam ng Radio Veritas.
Tinuran din ng pari ang panayam ni Cardinal Luis Antonio Tagle sa pagtitipon na makatulong mapaunawa sa halos 500 dumalo ang kahalagahan ng bibliya sapagkat ito ang kasalukuyang Pangulo ng Catholic Bible Federation at Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization ng Vatican.
Hinikayat ni Fr. Garcia ang mananampalataya na maging aktibo sa mga biblical Apostolate ng mga parokya para mahubog ang pundasyon ng pananampalatayang kristiyano.
“Ini-encourage natin ang bawat parokya na magkaroon ng mga Bible programs tulad ng Bible sharing o Bible formation sapagkat mas mahalaga ang ating personal na debosyon sa pagbabasa, pagninilay, at pag-aaral ng Salita ng Diyos.” ani Fr. Garcia.
Ginanap ang half-day word conference sa San Carlos Seminary Auditorium sa Makati City nitong January 19 sa temang ‘The Word of God is the Way, the Truth, and the Life’ na pinangunahan ni Cardinal Tagle.
Ito ay inisyatibo ng RCAM – MBA katuwang ang Office for the Promotion of the New Evangelization ng Archdiocese of Manila kung saan ang mga dumalo ay nagmula sa iba’t ibang parokya ng Ecclesiastical Province of Manila.
Taong 2017 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 124 na nagdeklarang ipagdiwang tuwing Enero ang National Bible Month bilang pagkilala sa bibliya na isa sa mahalagang sangkap sa matibay na pundasyon ng pamayanan.