2,814 total views
Tiniyak ng Augustinian missionaries ang pagpapalawak ng misyon at debosyon ng Santo Niño de Cebu sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Ito ang pahayag ng kongregasyon kasunod ng pagtalaga sa 50 kasapi ng Santo Niño Filipino Community sa Vatican City bilang mga bagong miyembro ng Cofradia del Santo Niño de Cebu.
Anila ito ang kanilang paraan upang higit na mapangalagaan ang pangangailangang espiritwal ng mga migranteng Pilipino at mapanatiling maningas ang alab ng kanilang pananampalataya.
“This overseas establishment of a Cofradia (confraternity) represents the Augustinians’ commitment to the pastoral care of Filipino migrants,” bahagi ng pahayag ng Augustinian missionaries.
Ginanap ang pagtalaga noong October 17, 2023 sa Church of Sant’ Ana dei Palafrenieri ang bukod tanging parokya sa Vatican na pinangangasiwaan ng mga Agustinong misyonero.
Pinangunahan ni Fr. Nelson Zerda, OSA, ang pagtalaga mga bagong kasapi ng confradia bilang ito rin ang Spiritual Director ng Cofradia del Santo Niño de Cebu- Mother Chapter at kasalukuyang Rector ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu.
Unang binuo ang Santo Niño Filipino Community sa Vatican noong 2021 kasabay ng pagdiriwang ng Pilipinas ng 500 Years of Christianity sa pangunguna ni Augustinian missionary Fr. Jubanie Rey Baller na kasalukuyang naglilingkod sa Papal Sacristy na layong palakasin at ipagpatuloy ang debosyon sa batang Hesus sa ibayong dagat.
Bago pa mabuo ang grupo ng mga deboto sa lugar ay nagsasagawa na ng novena mass para sa Santo Niño ang mga Pilipino sa Vatican tuwing huling Linggo ng buwan.
Dumalo sa pagtitipon si Philippine Ambassador to the Holy See Myla Grace Macahilig bilang pagbibigay suporta at pakikiisa sa adhikain ng mga Pilipinong deboto.
Ang Cofradia del Santo Niño de Cebu ang pinakamatandang lay confraternity sa Pilipinas na itinatag noong 1565.
Bukod sa Vatican City maryoong international chapter ang confradia sa mga bansang Indonesia, Amerika, at Singapore.
Magugunitang ang pista ng Santo Niño de Cebu ang isa sa pinakamalaking pista sa Pilipinas na dinadayo ng milyong-milyong deboto at mga turistang lokal at dayuhan sa lalawigan ng Cebu tuwing ikatlong Linggo ng Enero.