198 total views
Sinang – ayunan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang mungkahing pagpapalawig ng lima hanggang sampung taon sa expiration ng Philippine passport.
Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Comnmission on the Laity, pabor ito sa mga Pilipino upang maiwasan na rin ang mahabang pila at pabalik – balik sa opisina ng Department of Foreign Affairs.
Paalala pa ng Obispo na kinakailangan ring i – monitor ang mga passport holders upang hindi na maulit ang pamemeke nito lalo ng mga dayuhan na nagkukunwaring Filipino.
“Maganda naman iyan para hindi na yung mga tao pabalik – balik sa pagkuha ng passport pero sana ang kailangan lang nila na dapat i – monitor yung mga passport holders na hindi naman iyan gawing butas na nanaman para sa paggawa ng masama. Imonitor lang nila pero maganda iyan para hindi na parating pupunta – punta pa roon.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Magugunitang noong Oktubre 2016 aabot sa 144 na dayuhan ang nagkunwaring mga Filipino ang naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos dumalo sa Haj pilgrimage sa bansang Saudi Arabia.
Kabilang sa mga nasabat ang 122 Indonesians at 22 Malaysians na nagkunwaring mga Filipino na nanggaling sa pilgrimage sa Saudi Arabia.
Nabatid naman na inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang naturang panukalang batas at ipapadala ito sa senado upang tuluyan ng maaprubahan bago ito maisumete kay Pangulong Rodrigo Duterte.