206 total views
Magpapa-unlad sa Mindanao ang pagpapatuloy na prosesong pangkapayapaan.
Ito ang naging pahayag ni CBCP – Episcopal Commission on Mutual Relations chairman at Cagayan De Oro Archbishop Antonio Ledesma, sa hakbangin ng pamahalaan na pansamantalang pagpapalaya kay MNLF o Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari.
Positibo ang nakikita ni Archbishop Ledesma lalo’t nakikiisa sa Misuari sa usaping pangkayapaan na ninanais ng Duterte administration na magpapanumbalik ng tiwala ng mga mamumuhunan sa bansa na magtayo ng negosyo sa Mindanao.
“Ito ang istratehiya ngayon ng gobyerno ngayon to open “peace able” sa lahat ng stakeholders, including yung mga leaders ng mga rebels din. Sumasang – ayon ako dun na ipagpatuloy yung proseso sa ‘kalinaw’ sa kapayapaan. Because we can really give way to greater peace and development para sa buong isla ng Mindanao. In that sense, it’s coincidence living in the part of government na mabigyan ng kalayaan muna yung mga stakeholders and stake persons ng mga rebel group,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Ledesma sa panayam ng Veritas Patrol.
Paunti – unti rin aniyang makatutulong sa kaunlaran sa Mindanao ang paglinang ng kakayahan at determinasyon ng mga mamamayan roon sa pagbuo ng kanilang mapagkakakitaan lalo na sa mga pinakamahihirap na probinsya at maiiwas na rin sila sa pagsali sa mga rebeldeng grupo.
“I think to help also sa human development lalo na yung management skills, and also social enterprises, makapasok rin sa underdeveloped areas para sa buong isla ng Mindanao at ng Pilipinas na bibigyan natin ng sapat na resources lalo na sa mga underdeveloped areas ng Mindanao,” giit pa ni Archbishop Ledesma sa Radyo Veritas.
Nabatid sa inulat ng Philippine Statistics Authority na lima sa sampung pinaka-mahihirap na lalawigan sa bansa ay matatagpuan sa Mindanao tulad ng Lanao De Sur, Maguindanao, Zamboanga Del Norte, Sarangani at North Cotabato kung saan matindi ang kaguluhan at tensyon ng mga rebeldeng Moro.
Sa panig naman ng Simbahang Katolika patuloy nitong isinusulong ang pakikipag – dayalogo bilang susi sa kapayapaan at kaunlaran ng bansa lalo sa Mindanao.