265 total views
Patuloy na isusulong ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pagpapalaya sa mga political prisoners na hindi pa rin pinapalaya ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Edre Olalia – Presidente ng National Union of People’s Lawyers at legal consultant ng NDFP Peace Panel, hangga’t hindi natutupad ng pamahalaan ang mga pangako nito sa NDFP partikular na sa mga bilanggong pulitikal ay hindi bibitawan ng NDFP ang pagsusulong ng amnestiya sa mga political prisoners.
“Hangga’t hindi napapalaya yung mga bilanggong pulitikal at hangga’t hindi napapatupad yung kanilang pangako, tinutulak pa rin natin yung amnestiya at habang itinutulak yung pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal ay nagpupulong na yung mga kumite o mga grupo ng magkabilang panig na hiwalay muna para mag-draft ng mga burador o mga draft agreement ng mga agenda na nakasakalang, so yun yung estado ngayon…” ang bahagi ng pahayag ni Atty. Olalia sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nga nito, batay sa huling tala ng Karapatan (Alliance for the Advancement of People’s Rights) noong ika-31 ng Mayo, sa 509 na political prisoners, 18 sa mga ito ang naitalang mga peace consultants ang NDFP.
Samantala, matapos ang unang dalawang round ng peace talks na isinagawa ng Oslo, Norway noong nakalipas na taon ay nakatakda namang isagawa ang ikatlong round ng usapang pangkapayapaan mula ika-19 hanggang 25 ng Enero sa Roma, Italya.
Ito ay matapos ang nasa 15-taong pagkakaunsyami ng usapang pangkapayapaan sa ilalim ng Administrasyong Arroyo at Aquino.
Una ng binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagsusulong sa pagkakaisa at kapayapaan ay isa sa pangunahing misyon ng Simbahang Katolika na matiyak ang kapakanan at kabutihan ng sangkatauhan.